Home OPINION ‘LAB VIRUS’ SA ‘BAHAY BULILIT’ CENTER NG NCRPO

‘LAB VIRUS’ SA ‘BAHAY BULILIT’ CENTER NG NCRPO

NAMAHAGI ng  handog-tulong sa mga anak ng pulis na nag-aaral sa Bahay Bulilit Child Development Center na nasa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City ang Philippine National Police Officers Ladies Club Foundation na pinangunahan ng maybahay ni PNP chief PGen Rommel Francisco Marbil.

Kasama ang iba pang miyembro ng foundation,  namahagi si Mrs. Mary Rose Marbil, national adviser ng PNP OLC Foundation, ng mga regalo sa 57 “day care center” students at 27 PNP personnel na may iniindang karamdaman.

Bukod sa gift-giving, pinangunahan din ng ladies club ang pagbabasbas o “blessing” sa kanilang tanggapan at ang aktibidad ay tinawag nilang “LAB VIRUS”. Ang “Lab Virus” ay inilunsad ni First Lady Liza Araneta Marcos bilang pagsuporta sa “Bagong PIlipinas” na inilunsad at pinalalakas naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Ang isinagawang aktibidad ng mga miyembro ng PNP-OLC Foundation ay bahagi nang pagpapalakas ng pangangatawan at kalusugan at pangangalaga ng moral ng PNP personnel at kanilang mga anak.

Bahagi ng 7 point agenda ni National Capital Region Police Office director PMGen Jose Melencio Nartatez, Jr. ang pangangalaga sa moralidad ng kanyang mga tauhan kung kaya’t hindi na siya nagdalawang isip nang sabihan na pangalawa ang NCRPO sa pinaghandugan ng grupo  ni Mrs. Marbil ng handog-tulong.

Kaya naman, nagpasalamat si Nartatez sa ginawang pagbibigay kasiyahan ng grupo ng mga asawa ng mga opisyal ng PNP sa mga batang anak ng kanyang mga tauhan.

Naniniwala ang regional director ng NCRPO na hindi lang basta regalo ang inihandog ng PNP-OLC Foundation sa mga bata sa Bahay Bulilit Child Care Center subalit nagbigay din ang mga ito ng liwanag sa isipan ng mga bata at higit sa lahat ay pag-asa.

Noong Marso, taong kasalukuyan, pinahalagahan naman ng maybahay ni RD  Nartatez na si Mrs. Mary Rose (kapangalan ng asawa ni C, PNP) Nartatez ang kinabukasan ng mga batang nag-aaral sa Bahay Bulilit.

Ipinakita ni Mrs. Nartatez na mahalaga ang paglinang sa kakayahan at potensyal ng mga bata. Para sa NCRPO, habang bata pa ay ipaunawa na sa mga ito ang kahalagahan ng pag-aaral.

Pinaalalahanan din noon ni Mrs. Nartatez ang mga magulang ng mga bata na hindi dapat ang mga ito tumigil sa pagsuporta sa kanilang mga anak at gabayan pa ang mga ito hanggang sa kanilang paglaki.

Gayunman, kinilala rin ng maybahay ni Gen. Nartatez ang mga guro ng “Bahay Bulilit” dahil sa kanilang pambihirang dedikasyon sa pagbibigay ng gabay sa mga musmos pa ang kaisipan.