DIREKTIBA ni Philippine National Police chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa kapulisan na rumesponde sa tawag sa 911 emergency calls sa loob ng tatlong minuto.
Ayon sa PNP chief, karapat-dapat protektahan ang bawat Filipino mabigyan ng mabilis at episyenteng pagtugon na hindi alintana ang kanilang lokasyon at estado sa buhay. Paalala pa niya, ang mas pinalakas na “911 hotline” ay malaking tulong sa kapulisan para maramdaman ng komunidad ang pagiging ligtas buhat sa mga masasamang elemento ng lipunan.
Nais ni Gen. Marbil na sa kanyang pamamahala sa PNP ay makita ng sambayanan na ang kanilang mga pulis ay gumagawa ng kanilang trabaho lalong-lalo na para sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Mas pinalakas ang E911 system na pumalit sa “Patrol 117 hotline”, mayroon itong advanced technology para mas mapabilis ang pagresponde at maging maayos ang koordinasyon sa mga ahensya na bahagi ng emergency services.
Mahigpit ang bilin ng PNP chief sa regional directors, provincial directors at station commanders na tumugon sa 911 calls na mabilis at may propesyonalismo.
Kasabay nito ay nanawagan din siya sa publiko na gamiting mabuti at responsable ang 911 hotline. Hanggang sa kasalukuyan kasi ay nakatatanggap ng mga prank calls ang nasabing emergency hotline.
Pakiusap ng inyong Agarang Serbisyo Lady, huwag tatawag sa 911 kung walang masasamang nangyayari sa inyong lugar. Ang 911 ay para sa kaligtasan ng bawat Pilipino, kaya huwag magbiro o lokohin ang mga pulis. Ang 911 ay ginagamit para sa mga nasa emergency o walang tutulong kapag may nakawan, patayan o anoman krimeng nagaganap.
Sa datos ng E911 system, sa higit-kumulang 30,000 na tawag na natatanggap sa bawat araw, nasa 700 na tawag o katumbas ng 2.33 percent ang lehitimong tawag. Ibig sabihin nasa 97.67 percent ang prank calls o drop calls.
Paalala ng PNP, ipinagbabawal ng Presidential Decree No. 1727 ang prank calls na may naghihintay na kaparusahang pagkakulong ng hindi lalagpas ng limang taon at multang aabot sa Php 40,000 o depende sa diskresyon ng Hukuman.