MANILA, Philippines – Naghain ng reklamo sa Commission on Elections ang Makabayan bloc sa umano’y harassment at red-tagging sa pangangampanya para sa Eleksyon 2025.
Personal na nagpasa ng complaint letter si ACT-Teachers Rep. France Castro, na tumatakbo bilang senador, sa opisina ng Comelec sa Intramuros, Manila, na sinamahan ng mga taga-Kabataan party-list at Gabriela Women’s Party.
“Nagpunta kami ngayon sa office ni Chair Garcia para mag-file ng letter na naglalaman ng complaint ng Makabayan laban sa mga nangyaring harrasment, red-tagging at violation sa anti-discrimination resolution ng Comelec,” pagbabahagi ni Castro.
Tinukoy niya ang iba’t ibang insidente kabilang ang umano’y engkwentro sa Palawan kung saan pinigilan ng mga armadong indibidwal ang pangangampanya ng Makabayan at sinabing ang kanilang aktibidad ay illegal.
“Talagang harassment at nakakatakot ang mga ganitong pangyayari na sana hindi nangyayari,” dagdag ni Castro.
Hinimok ng Makabayan bloc ang Comelec na imbestigahan ang mga insidenteng ito na lumalabag sa anti-discrimination resolution.
Isinasaad sa reklamo ang mga insidente ng red-tagging sa nominee ng Kabataan Partylist sa social media, harassment sa nominee ng Gabriela Women’s Party, at ang pag-aalis ng mga campaign material sa southern Luzon.
Iniulat din ang pagpopost ng mga propaganda na nag-uugnay sa Makabayan, sa senatorial slate nito at sa mga party-list nito, sa komunistang grupo.
“We urge the Comelec to investigate these matters and take decisive actions on its perpetrators,” ayon sa grupo.
“Makabayan believes that these incidents have no place in a democracy that values and upholds fair, honest, and clean elections.”
Kinumpirma naman ni Comelec Chairperson George Garcia na iimbestigahan ng komisyon ang mga insidenteng ito.
“Tutal naman may crineate tayo na task force, ‘yung Task Force SAFE, para maipatupad ang ating guidelines against discrimination,” ani Garcia.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 1116, ang pag-label sa mga kandidato o grupo bilang mga terorista, nangggugulo, o mga kriminal nang walang ebidensya ay maituturing na election offense.
Ipinagbabawal din ng resolusyon ang diskriminasyon batay sa kasarian, lahi, edad, relihiyon o kapansanan. RNT/JGC