Home HOME BANNER STORY DOJ sa Timor Leste: Kung nais maging ASEAN member, ibalik si Teves...

DOJ sa Timor Leste: Kung nais maging ASEAN member, ibalik si Teves sa Pilipinas

MANILA, Philippines – Hindi magiging kaaya-aya sa imahe ng bansang Timor Leste ang pagtanggi nito na ibalik sa Pilipinas si dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr.

Ito ang inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa gitna ng aplikasyon ng Timor Leste para maging miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (Asean).

“It is not going to be pleasant for Timor-Leste because they’re applying to be in the Asean. And we are one of the founding fathers of the Asean,” ani Remulla.

Ang Pilipinas ay isa sa founding countries ng Asean kasama ang Indonesia, Malaysia, Singapore at Thailand.

Upang maging member state ng Asean, kailangan pumayag ang lahat ng 10 member countries sa aplikasyon ng isang bansa.

Inihahanda na ng Department of Justice ang ihahain na motion for reconsideration sa Court of Appeals ng Timor Leste.

Ipinaalala ni Remulla sa Timor Leste na si Teves ay isang undocumented Filipino na akusado sa murder sa Pilipinas.

Si Teves ay nahaharap dito sa Pilipinas ng 10 bilang ng kasong murder, 14 na bilang ng frustrated murder at apat na bilang ng attempted murder. TERESA TAVARES