MANILA, Philippines – KINATIGAN ng Malakanyang ang sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi dapat maging partisan o kumbinsihin na pumili ng papanigan sa politika ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Tama naman po. The public servant should be apolitical. They should not be dragged over these personal issues especially of the Dutertes. Tama po si SP (Senate President) Chiz Escudero, hindi po natin dapat kalampagin, laging tawagin ang militar, ang mga kapulisan para lamang pagbigyan ang kahilingan ng isang partikular na tao o isang partikular na pamilya,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Ang militar po, ang kasundaluhan, ang kapulisan po natin ay para sa bayan hindi para po sa pamilya Duterte lamang,” aniya pa rin.
Nauna rito, sinabi ng senador na hindi dapat kinakaladkad ng mga Duterte ang AFP sa politika tuwing may mga isyu na kailangan nilang harapin,” ayon kay Escudero.
Ginawa ni Escudero ang pahayag matapos punahin ni Vice President Sara Duterte ang kawalan ng aksiyon ng AFP nang arestuhin ng Interpol ang kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte at dalhin sa The Hague.
Sinabi ni Escudero na hindi niya maintindihan ang concern ng bise presidente at tila “common” na aniya sa mga Duterte ang umapela sa AFP na kampihan sila sa tuwing may kaganapan.
Sinabi rin ni Escudero na hindi niya maunawaan kung bakit mistulang pinagbabangga ang AFP at Philippine National Police.
“Dahil hindi ko rin maunawaan kung ano ‘yong apela niyang sinasabi kaugnay noon na ‘yong Presidential Security Command daw ay under ng AFP. Pero ano ang gusto niyang palabasin? Magbabangayan ang sundalo at ang pulis?” ani Escudero.
Maliwanag naman aniya na operasyon ng law enforcement ang ginawang pagsuko ng gobyerno kay Duterte sa ICC at tumulong lamang ang AFP.
Hindi rin aniya dapat kuwestyunin ang pag-aresto sa dating Pangulo sa Villamor Airbase na isang pasilidad ng militar.
“Well ulitin ko, tila pilit nilang dinadamay ang Sandatahang Lakas sa iba’t ibang isyu na hindi naman dapat talaga at wala namang isyu. Dahil facility man ‘yan ng pulis, facility man ‘yan ng sundalo, facility man ‘yan ng executive branch o ng Kongreso, ang law enforcement operation ay law enforcement operation pa rin,” paliwanag ni Escudero. Kris Jose