MANILA, Philippines- Nais hilingin ng pangunahing grupo ng transportasyon sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Insurance Commission ang makatarungang kabayaran sa mga kaso ng pagkamatay at permanenteng kapansanan para sa mga pasahero.
Ayon sa transport group na Magnificent 7 na binubuo ng Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Alliance of Concerned Transport Organizations, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines, Stop and Go Transport Coalition, at Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas at UV Express National Alliance of the Philippines, hiniling nila ito matapos maglabas ng memorandum circular ang Insurance Commission na nagpapataas ng insurance coverage sa ilalim ng Compulsory Motor Vehicle Liability lnsurance (CMVLI).
Sinabi ni ALTODAP President Melencio “Boy” Vargas na bagama’t pinahahalagahan nila ang inisyatiba ng Insurance Commission, kailangang magkaroon ng ilang paglilinaw sa insurance coverage sa mga kaso ng maraming casualties sa road injuries.
Sa memorandum circular na inilabas ng IC, ang insurance coverage para sa mga namatay ay P200,000 at P50,000 para sa permanenteng kapansanan.
Ngunit sinabi ni Vargas na ang P200,000 insurance coverage para sa mga namatay at P50,000 insurance para sa permanenteng kapansanan ay pantay na hinati sa mga biktima.
“Kung may 10 namatay or 10 nagkaroon ng permanent disability, ibig sabihin paghahati-hatiaan ito ng lahat ng biktima kaya maliit na halaga pa rin yun para ma-cover ang mga expenses ng pamilya,” giit ni Vargas.
“Ang hinihiling po sana namin sa ating pamahalaan ay imbes na paghati-hatian ang insurance na ito, ay gawin na lang na P400,000 each in cases of death, at P100,000 each in case of permanent disability,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Vargas na sa paraang ito ay hindi lamang makikinabang ang mga pasahero ng public utility vehicles (PUVs) kundi maging sa mga pribadong sasakyan.
“Tutal ay gumawa na ng inisyatibo ang ating Insurance Commission tungkol dito na ipinapapasalamat namin, hindi naman siguro kalabisan na i-maximize na ito at huwag ng paghati-hatian pa ng mga biktima,” wika niya.
Ayon kay Vargas, ang kahilingan ay ibinabahagi ng iba pang mga pinuno at miyembro ng Magnificent 7, kabilang ang kanilang pakiusap para sa LTO at DOTr na dalhin ang kanilang hiling sa anumang pagpupulong sa Insurance Commission. Santi Celario