Home HOME BANNER STORY Malakanyang naalarma sa posibleng pakikialam ng China sa 2025 polls

Malakanyang naalarma sa posibleng pakikialam ng China sa 2025 polls

MANILA, Philippines – INAMIN ng Malakanyang na labis na nakaka-alarma ang inihayag ng National Security Council (NSC) na may mga indikasyon na nanghihimasok ang Tsina para sa papalapit na May 2025 National and Local elections.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ito ang dahilan kaya’t paiigtingin pa ang imbestigasyon para malaman kung ano ang katotohanan patungkol dito.

“Sa ngayon po, ang sinabi po sa atin ay pag-iimbestigahan pa po muna para malaman natin kung ano pa po ang mga detalye dito at kung ano po ang napapaloob sa mga ganitong klaseng pangyayari. So, ang iba pa pong mga detalye ay maaari po nating matanong or aming kakausapin muli ang National Security Council,” ani Castro.

Winika pa nito na nakarating na sa kaalaman ni Pangulong Marcos ang bagay na ito.

“Kaya po kailangan po talaga ng maagaran, mas malalim na pag-imbestiga,” aniya pa rin.

Nauna rito, sa pagdinig ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones, sinabi ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na may operasyon na ginagawa ang Chinese state-sponsored sa Pilipinas kung saan nakikialam ito upang manalo ang mga kandidato na sumusuporta sa China at sirain naman ang mga kandidatong tumutuligsa sa kanila.

Sinabi naman ni Senador Francis Tolentino, ang mga ganitong aktibidad ay hindi agad nauunawaan ng publiko dahil umano nakahalo na ito sa social media — bagay na kinatigan ni Malaya.

Inihalimbawa ni Malaya na nakikita nila na maraming naratibo na lumalabas mula sa China na pinalalakas ng kanilang local proxy dito sa bansa.

May ipinalalabas umanong pahayag ang Beijing na pareho din ang sinasabi ng local proxy sa Pilipinas.

Inihalimbawa pa ng opisyal ang ginagawang Balikatan exercises ngayon sa Pilipinas kung saan may mga pahayag na mula sa China —  na ito raw ay isang banta sa ating regional peace and stability — kung saan gagayahin lang ng mga local proxies. Kris Jose