MANILA, Philippines- Nababahala ang Malakanyang sa “monster ship” ng Tsina na unang namataan malapit sa Zambales at pagkatapos ay lumipat ng lokasyon sa Lubang, Occidental Mindoro.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang presensya ng “monster ship” sa rehiyon ay isang “matter of projection.”
Tiniyak naman ni Bersamin na patuloy na hahamunin ng pwersa ng Pilipinas ang sasakyang pandagat ng Tsina sa kabila ng pagiging ‘non-confrontational’ nito.
“We view it with concern. So far, we have been challenging the presence of that monster ship, our Coast Guard has always been very alert in following up ‘yung presence of that monster ship, pasulpot-sulpot,” ang sinabi pa rin ni Bersamin.
“In the end kasi nothing confrontational happens so maaaring projection ang issue dito but I’m not going to say anything more because that’s a matter of operations,” dagdag na wika nito.
Tinuran pa rin ni Bersamin na palagi namang naghahain ng protesta ang gobyerno ng Pilipinas laban sa patuloy na presensya ng Tsina at agresyon sa West Philippine Sea.
Sinabi pa nitong mayroon nang vice ministerial talks sa pagitan ng Maynila at Beijing para tugunan ang mga isyu sa rehiyon.
”This is the precise issue that they address, ‘yung settlement of the dispute in the West Philippine Sea,” ang sinabi pa rin ni Bersamin.
Samantala, sinabi ni PCG Spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, Lunes ng umaga nang mamataan sa naturang lugar ang China Coast Guard (CCG) vessel 5901, na tinaguriang ‘monster ship.’
“Two days ago, na-monitor natin siya sa coastline ng Zambales, sa Capones Island, Zambales. Yesterday, umangat na siya sa northern part ng Zambales. Ngayong umaga (Lunes), as we speak, it is 80 nautical miles away from Lubang Island, Occidental Mindoro,” pahayag pa ni Tarriela.
Nilinaw naman ni Tarriela na wala namang hina-harrass na mangingisdang Pinoy sa lugar ang naturang barko.
Unang namataan ang ‘monster ship’ may 54 nautical miles ang layo mula sa Capones Island, sa Zambales noong Linggo, na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Kaagad namang idineploy ng PCG ang BRP Cabra, isang helicopter, at PCG Caravan upang bantayan ang barko.
Hinamon din umano nila ang presensya ng CCG sa lugar at sinabihang sila ay nasa EEZ ng Pilipinas. Kris Jose