Home NATIONWIDE Malakanyang, nagpasalamat sa publiko sa pagtaas ng trust, performance rating ni PBBM

Malakanyang, nagpasalamat sa publiko sa pagtaas ng trust, performance rating ni PBBM

128
0

MANILA, Philippines – Pinasalamatan ng Malakanyang ang publiko bunsod ng pagtaas ng trust at performance rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa unang quarter ng 2026, sa isinagawang non-commissioned survey ng OCTA Research noong Marso 19-25, 2026.

“Nagpapasalamat na rin po tayong lahat dahil nakikita nila ( mga kababayan natin) kung sino ba talaga iyong nagtatrabaho at sino lang iyong mga nagbabakasyon,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Sinabi pa ni Castro na “Magandang nakikita po at nararamdaman ng mga kababayan natin kung ano po ang ginagawa ng gobyerno, ng pamahalaan para sa ating mga kababayan.”

Gayunman aniya, ang Pangulo, tumaas man ang approval rating o bumaba man ito ay patuloy pa rin aniyang magtatrabaho ang Pangulo.

Hindi aniya maaapektuhan ang Pangulo ng negatibo at positibo na mga approval rating.

Sa ulat, sa isinagawang non-commissioned survey ng OCTA Research noong Marso 19-25, umakyat ng 4 puntos o 55% ng mga Pinoy ang satisfied o kuntento sa performance ni Pang. Marcos kumpara sa 51% noong huling bahagi ng 2025.

Isinagawa ang survey sa halos lahat ng rehiyon, pinakamataas sa Balance Luzon (57%) at Visayas (56%). Pinakamababa sa National Capital Region (NCR) 53% at Min­danao 51%.

Nasa 26% naman ang hindi kuntento sa performance ng Pangulo at 19% ang undecided. Pinakamalaki ang dissatisfaction rating ng Pa­ngulo sa Mindanao, 37%.

Tumaas din ang trust rating ng Pangulo mula 48% ay naging 54%.

Nakakuha si Pang. Marcos ng majority trust ratings sa halos lahat ng rehiyon, pinakamataas sa Balance Luzon 59% at pinakamababa sa Min­danao 45%.

Sa kabilang dako, bumaba ng 4% ang performance rating ni VP Sara mula 54% ay naging 50% na lamang.

Nakakuha siya ng highest performance ra­ting sa Mindanao 83% at pinakamababa sa Balance Luzon 35%, na sinundan ng NCR 37%.

Nasa 28% ang kanyang dissatisfaction ra­tings na pinakamataas sa Balance Luzon 41% at NCR 40%.

Ayon kay House Deputy Speaker Jay Khonghun, patuloy na tumitibay ang kumpiyansa ng publiko sa pamumuno ni Pangulong Marcos base sa pinakahu­ling OCTA survey.

Aniya, ang pag-akyat ng trust at performance ratings ng Pangulo ay nagpapakita ng mas malinaw at positibong pananaw ng maraming Pilipino sa direksyon ng kanyang pamumuno, lalo na sa gitna ng mga hamon sa loob at labas ng bansa.

Binibigyang-diin ni Khonghun na nabawasan ang bilang ng mga undecided, na nangangahulugang mas nagiging ma­linaw ang paninindigan ng publiko at mas dumarami ang Pilipinong nakakakita ng maayos na direksyon at epektibong pamamahala mula sa Pangulo.

Makikita rin aniya ang pagtaas ng suporta sa iba’t ibang rehiyon—mula NCR hanggang Luzon, Visayas, at Mindanao—pati na rin sa iba’t ibang antas ng lipunan na nagpapakita na malawak ang base ng kumpiyansa at hindi lamang nakatuon sa iisang sektor o lugar.

Para sa kongresista hindi rin ito isang sympathy vote at palakpakan lang kundi ito ay pagtaas ng tiwala at pagtaas ng performance rating sa panahon na mahirap na manalo sa isip ng publiko.

Naniniwala rin ang kongresista na sa lumalabas na datos ng OCTA, mas nagiging bukas at masuri ang pananaw ng publiko kay Vice President Sara Duterte at nagpapakita ng aktibong pakikilahok ng mamamayan sa paghubog ng kanilang opinyon sa mga pinuno ng bansa. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here