Home NATIONWIDE Malakanyang: PBBM labas sa ‘kasunduan’ nina Sen. Imee, VP Sara sa pagpapauwi...

Malakanyang: PBBM labas sa ‘kasunduan’ nina Sen. Imee, VP Sara sa pagpapauwi ng Digong

MANILA, Philippines- Walang partisipasyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sinasabing ”deal” o kasunduan sa pagitan nina Vice President Sara Duterte at Senador Imee Marcos para maiuwi na ng Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte.

Tinanong kasi si Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung ano ang pananaw ng Malakanyang sa sinabi ni VP Sara na umaasa itong matutulungan siya ni Imee Marcos para maiuwi na sa Pilipinas ang kanyang ama na si dating Pangulong Duterte.

Inamin ni VP Sara na mistulang hostage na niya ang senador hangga’t nananatili ang kanyang ama sa detention center ng International Criminal Court (ICC).

Ipinaliwanag naman ng Bise Presidente na lubos ang kanyang pag-asa na matutulungan sila ng senador para makauwi na sa Pilipinas ang kanyang ama dahil ang kapatid nito na si Pangulong Marcos ang nagsuko sa dating presidente sa ICC.

”Ito ba iyong binanggit niya na hostage niya, si Senator Imee Marcos? Ang Pangulo ay walang partisipasyon sa kanilang naging kasunduan. The President is not privy to the contract or agreement between a user and a person willing to be used. Walang kinalaman ang Pangulo sa kontratang kanilang pinasukan, iyong isang tao na manggagamit at isang taong willing magpagamit,” ayon kay Castro.

Samantala, sinabi ni Castro na nais ng Pangulo na ituon ang kanyang pansin sa kanyang tungkulin.

Sa katunayan, isang malaking alalahanin para sa Pangulo ang power crisis sa Siquijor province.

”At ang nais lang po natin sana ay ang Pangulo po kasi ang sinabi niya ay tuloy-tuloy siya sa kanyang pagtatrabaho, focus sa trabaho. Nadagdag pa nga po ang problema dito sa Siquijor. At kung ang Bise Presidente lamang sana ay nakipag-usap sa kanyang kaibigan, baka hindi pa dumaan at dumating sa krisis na ito sa Siquijor,” dagdag na wika nito. Kris Jose