Home HOME BANNER STORY Malakanyang rumesbak sa patutsada ni VP Sara sa isinampang kaso vs Pulong

Malakanyang rumesbak sa patutsada ni VP Sara sa isinampang kaso vs Pulong

MANILA, Philippines – NIRESBAKAN ng Malakanyang si Vice President Sara Duterte nang sabihin nito na “political attack” sa kanyang pamilya ang iba’t ibang kasong ­kriminal na isinampa laban sa kanyang kapatid na si Davao City First District Representative Paolo “Pulong” Z. Duterte kabilang ang human trafficking, attempted murder, grave threats, at physical injuries.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na mas makabubuti kung sasagutin na lamang ni Pulong ang reklamo na isinampa laban sa kanya.

“‘Bakit ito ibibintang sa Pangulo? Hindi ba dapat sagutin na lang nila ang complaint?” ang sinabi ni Castro.

Sa ulat, sinampahan kasi ng reklamo ng isang negosyante si Pulong Duterte kaugnay ng marahas na insidente ng pananakit sa loob ng isang high-end na bar sa Brgy. Obrero noong madaling-araw ng Pebrero 23, 2025.

Sinabi ni VP Sara na nais lamang ng administrasyong Marcos na sirain ang imahe ng mga kaaway nito para pagtakpan ang tunay na usapin sa bansa.

“Every time nagkakaroon sila ng issue, malaking issue na kabalbalan na ginagawa nila, ang kanilang pang-cover sa mga issue na ito ay atakihin ‘yung kalaban nila sa politika,” ang sinabi ni VP Sara.

Sa ngayon, hindi pa niya nakakausap ang kanyang kapatid na si Pulong sa nasabing usapin. Hindi naman siya sigurado kung nakarating na sa kanilang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nasabing usapin.

Sa ulat, isinumite ni Kristone John Patria, kilala rin bilang Kristone John Patriarca, 37, at residente ng Panacan, Davao City sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at sa Office of the City Prosecutor ang kanyang sinumpaang salaysay. Ang kaso ay may docket number na XVT-INV-25E-00102 at may kaukulang paglabag sa Article 265 (Less Serious Physical Injuries) at Article 282 (Grave Threats) ng Revised Penal Code.

Ayon kay Patriarca, siya ay pinagsusuntok, sinipa, binulyawan, at tinangkang saksakin ng kongresista gamit ang patalim sa loob ng Hearsay Gastropub Bar, kasunod ng alitan kaugnay sa bayad para sa mga babaeng umano’y inarkila para sa isang pribadong salu-salo sa utos ni Duterte at ng kanilang kaibigang negosyanteng si Charlie Tan.

Dumating umano si Patriarca bandang alas-8:00 ng gabi kasama ang tatlong babae, habang dumating naman ang dalawa pa makalipas ang kalaha­ting oras.

Nag-ugat umano ang karahasan nang malaman ni Duterte na isa sa kanyang bodyguard ay walang kasamang babae, at isa pang babae ang nag­reklamo na P1,000 lamang ang ibinayad sa kanya—malayo sa P13,000 na naunang ipinangako.

Dahil dito, nagalit umano ang ­kongresista, sinigawan si ­Patriarca, itinulak pababa ng hagdan, at sinimulang bugbugin. Tumagal ng halos dalawang oras ang pananakit ng kongresista at ­binibigyan siya ng tig-P1,000 sa bawat suntok, sampal, at sipa na parang naglalaro.

Dahil sa takot sa maimpluwensyang pamilya ay natakot siyang magsampa agad ng kaso.

Sa reklamo, sinabi ni Patriarca na inutusan siya ni Tan na dalhin ang anim na magagandang babae sa bahay nito sa Woodridge, Brgy. Maa, kung saan naroroon na sina Duterte at ilang Chinese businessmen na umiinom.

Matapos ang mahabang panahon na pagninilay ay nagpasya na  siyang ituloy ang kaso.

Samantala, mas pinili ni Pulong Duterte na manahimik sa usaping ito.

“Sa mga kapatid kong Davaoeño, ngayon may nakita na naman kayong video. Matagal-tagal na itong nangyari. Ah sige lang, nasa sa inyo pa rin ang desisyon kung sino ang inyong ibobotong congressman sa unang distrito. ‘Di ako makikialam,” ang sinabi ni Pulong Duterte sa Cebuano sa isang video sa kanyang Facebook account. Kris Jose