MANILA, Philippines – Isang pormal na reklamo kaugnay ng vote-buying ang inihain sa Commission on Elections (COMELEC) laban kay Marikina City Representative Marjorie Ann “Maan” Teodoro.
Batay sa reklamo, isinagawa umano ang sistematikong pamamahagi ng pera na itinago sa anyo ng tulong mula sa gobyerno sa gitna ng opisyal na panahon ng kampanya—isang tahasang paglabag sa Seksyon 261(a), 261(b), at 261(o) ng Omnibus Election Code.
Kalakip ng reklamo ang walong sinumpaang salaysay mula sa mga residenteng nakatanggap ng naturang cash assistance, pati na rin ang mga video at larawan na nagsisilbing ebidensiya ng diumano’y vote-buying. Isinumite na rin ang mga ito sa COMELEC para sa masusing imbestigasyon.
Kabilang sa mga pangunahing alegasyon sa reklamo ang mga sumusunod:
Una, ang pamamahagi ng cash assistance sa mga barangay gaya ng Sto. Niño, Marikina Heights, Concepcion Uno, at Jesus De La Peña, kung saan nakatanggap ang mga dumalo ng halagang ₱2,000. Isinagawa ang mga aktibidad na ito sa gitna ng opisyal na campaign period, at may ilang insidente na nangyari pa umano sa dis-oras ng gabi upang makaiwas sa atensyon ng publiko.
Ikalawa, ang paggamit ng mga form na kahawig ng ginagamit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kahit walang opisyal na DSWD na naroon. Sa halip, mga empleyado ng barangay at mga kilalang campaign leader ni ng kongresista ang namahala sa pamamahagi.
Ikatlo, ang pagsasanib ng kampanya sa mga programang “tulong.”
Ayon sa mga dumalo, nagsalita si Teodoro sa mga naturang aktibidad upang ikampanya ang sarili at ang kanyang asawa. Matapos ang talumpati, ipinamigay ang claim stubs na ginamit upang kunin ang ₱2,000 cash assistance.
Ikaapat, ang insidente ng pananakot. Isang bystander na nagtangkang kumuha ng larawan at video ng aktibidad ang sapilitan umanong pinabura ng mga indibidwal na kinilalang campaign leaders. Naidokumento ang pangyayaring ito sa video at isinama bilang ebidensiya.
Binigyang-diin sa reklamo ang COMELEC Resolution No. 11104, na nagsasaad ng presumption of vote-buying kung ang pamamahagi ng ayuda ay ginagawa sa panahon ng kampanya, lalo na kung pinamumunuan ng mga taong may kaugnayan sa isang kandidato at walang pahintulot mula sa kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Hinimok ng mga nagreklamo ang COMELEC na magsagawa ng masusing imbestigasyon at agarang aksyong legal upang mapangalagaan ang integridad ng halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden