Home NATIONWIDE Malakanyang sa LGUs: Tiyakin na may pondo bago magpalabas ng guarantee letters

Malakanyang sa LGUs: Tiyakin na may pondo bago magpalabas ng guarantee letters

230
0

MANILA, Philippines – Pinayuhan ng Malakanyang ang mga local government units (LGUs) na dapat ay mayroon silang sapat na pondo bago magpalabas ng hospital guarantee letters.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang garantiya ay hindi dapat singilin sa Department of Health (DOH), partikular para sa hospital services na saklaw na ng Zero Balance Billing (ZBB) program ng gobyerno.

Ang pahayag na ito ni Castro ay bilang tugon sa sinabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na binatikos si Health Secretary Ted Herbosa nang sabihin ng Alkalde na ang DOH-run hospitals ay hindi dapat umasa sa guarantee letters, lalo na para sa basic accommodations.

Ipinagtanggol ni Castro si Herbosa, sabay sabing ang mga DOH hospitals, kabilang ang Baguio General Hospital (BGH), ay hindi nagre-require ng guarantee letters para sa basic services sa ilalim ng ZBB policy.

“So, kung mag-i-issue po ang mayor ng Baguio City ng guarantee letters, siguraduhin po nila na may pondo po sila,” ani Castro.

Aniya pa, ang guarantee letters na inisyu ng Baguio City government ay pinondohan mula sa sariling resources ng lungsod at hindi ng DOH, base sa arrangement sa BGH.

Ayon kay Castro, ang pagpapalabas ng nasabing guarantee letters ay nagpapahiwatig ng pinansiyal na responsibilidad ng nagpalabas bilang guarantor.

Binigyang-diin ni Castro na ang guarantor, hindi ang DOH, ang papasan ng responsibilidad kung ang pasyente ay walang kakayahang magbayad.

“Ang sinasabi lamang po kasi ni Sec. Ted Herbosa, kapag binanggit po natin ang guarantee letters, it means may nagga-garantiya. Kapag kayo po ay umutang at mayroon kayong guarantor, iyong guarantor kapag hindi nakapagbayad ng utang, iyong guarantor ang hahabulin,” ani Castro.

“So, kung sinuman po ang guarantor nito, ang pagbibigay ng guarantee letter ay ang nais lamang iparating ni Sec. Ted: iyon ang magbabayad. Hindi po dapat manggaling ang pondo na iyan sa DOH,” dagdag niya.

Sa kabilang dako, binigyang-diin pa rin ni Castro na ang polisiya laban sa paggamit ng guarantee letters ng mga politiko ay bahagi ng panukalang “anti-epal” provisions sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA), na pinasimulan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at hindi pa ganap na naipatutupad.

“Unang-una po, iyong guarantee letter 2026 pa lang po ito ipapa-implement, kaya dapat malaman po mismo ni Mayor Magalong ‘yung timeline,” ani Castro.

Aniya, ang mga pasyente na naghahanap ng basic accommodation sa DOH hospitals, gaya ng BGH, ay hindi na kinakailangan ang guarantee letters. Malaya rin ang LGUs na gumawa ng arrangements sa private hospitals, basta may sapat silang pondo.

“At kung ano po ang magiging usapan nila sa mga private hospitals, hindi po natin hahadlangan,” pagtiyak ni Castro. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here