Home METRO Malakanyang sa mga magsasaka: i-report ang mga abusadong palay traders

Malakanyang sa mga magsasaka: i-report ang mga abusadong palay traders

338
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Malakanyang sa mga rice traders na labis na nagsasamantala P20 per kg. rice program ng gobyerno para bigyang katuwiran ang mas mababang buying price ng palay (unhusked rice).

Hinikayat naman nito ang mga magsasaka na i-report ang anumang ‘abusive practices’ sa mga awtoridad.

Sinabi ni Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na nakaabot na sa Department of Agriculture (DA) ang report na may ilang traders ang palagiang binabanggit ang “Benteng Bigas, Meron Na!” (BBM Na) program para bumili ng palay sa hindi patas at mababang presyo mula sa mga magsasaka.

Kaya nga, hinikayat ni Castro ang mga magsasaka na nakararanas ng pang-aabuso na kagyat na mag-report ng direkta sa DA, Department of the Interior and Local Government (DILG), o Department of Justice (DOJ), tiniyak sa mga ito na kagyat na gagawa ng ‘legal action’ ang gobyerno.

“Sabihin lamang po sa amin sa DA, sa DILG, sa DOJ at kami po ang magdedemanda sa mga traders na umaabuso,” aniya pa rin.

Siniguro ni Castro sa mga magsasaka na agad na aaksyon ang administrasyon sa mga beripikadong reklamo lalo na kung suportado ito at may sapat na ebidensiya.

“Huwag po kayong matakot basta lamang kumpletuhin ninyo ang inyong mga ebidensiya… maaari po kasi itong maging kaso na economic sabotage kaya huwag po kayo mag-atubili na magsumbong sa amin,” ang pahayag ni Castro.

Samantala, sa ulat, sinabi ng DA na hindi pwedeng gamiting katwiran ng mga rice trader ang P20 na kada kilo ng bigas para labis-labis na baratin ang presyo ng aning palay ng mga lokal na magsasaka.

Una nang iniulat na umaaray ang mga magsasaka sa Northern at Central Luzon dahil sa P10 bentahan sa kada kilo ng palay.

Nangangamba din ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na baka wala nang gaganahan na magsasaka kung mas mataas pa ang production cost kesa sa magiging kita ng mga magsasaka.

Sinabi ni Department of Agriculture (DA) spokesperson Arnel De Mesa na inatasan na ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kanilang inspectorate enforcers na puntahan ang mga lugar na may bumibili ng P10 kada kilo ng aning palay ng mga magsasaka.

Giit ni De Mesa, binili sa P24 ang palay na ginagamit ngayon sa P20 na bigas kaya walang dahilan upang bilhin sa bagsak na presyo ang aning palay.

Pag-aaralan din ng DA kung maaaring magpataw ng parusa sa mga trader na mapatunayang nanamantala sa sitwasyon. /Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here