Home METRO Anti-terror law nais ipagpawalang-bisa ng mga grupo

Anti-terror law nais ipagpawalang-bisa ng mga grupo

MANILA, Philippines — Pumunta sa opisina ng Department of Justice (DOJ) sa Maynila ang mga grupo para ulitin ang kanilang panawagan para sa pagpapawalang-bisa ng Anti-Terrorism Act of 2020, habang ang kontrobersyal na batas ay limang taon na.

Nagprotesta ang mga grupo sa patuloy na “arbitrariness” ng pagsasampa ng mga kaso laban sa mga indibidwal at grupo, na nagsasabing ito ay “sending a chilling effect” at “endangers freedom of expression.”

“DOJ ang primary na responsable sa pag-build up ng cases at ng terrorism financing na sinasampa nila. Namo-monitor namin, karamihan dito pina-file nila laban sa mga aktibista, development organizations, at sa iba pang NGOs na tinuturing nila na involved sa armed movement sa Pilipinas,” ayon kay Karapatan deputy secretary general Maria Sol Taule.

“Arbitrary ang ginagamit ng batas,” dagdag niya.

Hinimok ni Taule ang Justice department na ibasura ang mga kasong isinampa laban sa mga aktibista at hinimok ang Kongreso na pawalang-bisa ang Anti-Terror Law.

Noong Enero 2024, ipinahayag ng Korte Suprema ang mga panuntunan tungkol sa Anti-Terror Law, na tumatalakay sa mga pinagtatalunang paksa tulad ng pagtatalaga ng mga pinaghihinalaang terorista, pagbabawal, pagsubaybay at pagkulong nang walang judicial warrant of arrest.

Kasama rito ang mga probisyon sa pagsubaybay sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas na inatasan upang makakuha ng pag-apruba ng Court of Appeals.

Nagbabala ang mga petitioner laban sa Anti-Terrorism Act bago at pagkatapos maipasa ang batas, na ito ay prone sa pang-aabuso at maaaring gamitin laban sa mga kritiko at hindi sumasang-ayon sa gobyerno.

Nagbabala rin sila tungkol sa pag we-weaponize ng gobyerno sa batas laban sa mga kritiko, kabilang ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, mga mamamahayag at mga miyembro ng civil society. RNT/MND