MANILA, Philippines – Nakiusap ang Malakanyang sa publiko na hintayin na lamang ang magiging aksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa panukalang ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Disyembre 1, 2025.
“Okay, kung hindi ako nagkakamali, parang August 14 po ang pinaka-deadline, so hintayin na lamang po kung ano po ang magiging aksyon ng Pangulo patungkol po dito sa bill na iyan,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Sa ulat, nagsimula na kasi ang voter registration para sa BSKE kaya bago mag-lapse ang 10-day period sa registration, kailangan maihabol kung sakali ang pirma ng Pangulo sa bagay na ito.
“Opo. Gagawin po ng Pangulo iyan,” ang sinabi ni Castro.
Sa ulat, sinabi ni Garcia na hindi kasi nagbigay ang Palasyo ng Malakanyang ng indikasyon na i-veto ng Pangulo ang nasabing panukala.
Subalit sa sandaling maaprubahan, ang pagsasagawa ng BSKE ay ililipat sa unang Lunes ng Nobyembre 2026.
Tiniyak ni Garcia na handa sila sa magiging desisyon ng Pangulo.
Sakaling maipagpaliban ang Barangay at SK elections, sinabi ni Garcia na magkakaroon ng mas mahabang panahon na maghanda matapos ang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) sa Oct.1. /Kris Jose