Home NATIONWIDE Malakanyang, walang pananagutan sa ‘blank’ items sa 2025 budget – Bersamin

Malakanyang, walang pananagutan sa ‘blank’ items sa 2025 budget – Bersamin

MANILA, Philippines – HINDI responsable at walang pananagutan ang Malakanyang sa di umano’y “blank” entries sa 2025 national budget.

Hinamon kasi ni Davao City Rep. Isidro Ungab ang Malakanyang na dalhin sa Korte Suprema ang usapin sa sinasabing blank items sa 2025 General Appropriations Act (GAA).

Bilang tugon, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa press briefing sa Philippine International Convention Center sa Pasay City na ginagalang niya si Ungab at iba pang personalidad na may planong dalhin ang usapin sa Korte Suprema.

Giit ni Bersamin, walang kinalaman ang executive branch sa di umano’y blank items sa bicameral conference committee report sa 2025 budget.

“Ang problema natin diyan is hindi kami ang mananagot diyan kung meron mang pagkukulang kasi bicam report iyan. Wala kaming kinalaman sa bicam report. Ang may kinalaman lang kami ay ‘yung finished product na pinirmahan ng Presidente,” ayon kay Bersamin.

“Alisin natin sa consciousness na kami’y may kinalaman sa mga blank page na sinasabi ninyo,” aniya pa rin.

Sinabi naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, dumalo rin sa kumperensiya, na hindi nagawang makita ng executive branch ang bicameral report ukol sa 2025 national budget na naglalaman ng di umano’y blank items.

Sa isang podcast video na naka-post sa YouTube account ni Davao City Mayor Sebastian Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte and Ungab, sinasabing may 13 pahina sa national budget ang may kasamang ‘blank appropriations.’

At nang tanungin si Bersamin hinggil sa posibleng implikasyon ng lumutang na legal constitutional challenges sa 2025 budget, sinabi ni Bersamin na ito’y “speculative” para magbigay ng komento, hanggang sa makita ng Malakanyang ang aktuwal na reklamo na ihahain sa Korte Suprema.

Winika ni Bersamin na “very wrong” para sisihin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tanging ang Kongreso lamang aniya ang makasasagot sa naturang paratang hinggil sa presensiya ng ‘blank items” sa 2025 GAA.

“Gusto kong malaman ng taumbayan na wala kaming kinalaman diyan. Tanungin niyo ‘yung mga congressmen, yung mga senator. And that is all we can say at this point,” ang tinuran ni Bersamin.

“That is why we respect also the boundaries by not commenting kung sino to be blamed or not but I’m sure we did not benefit at all from the blank spaces that are being peddled around,” aniya pa rin. Kris Jose