Home OPINION MALAKING BUDGET, MALIIT NAPATUTUNAYAN

MALAKING BUDGET, MALIIT NAPATUTUNAYAN

206
0

ANG pag-apruba ng Senado sa second reading ng P6.793-trillion na spending plan para sa 2026 ay dapat sanang maghatid ng isang sandali ng determinasyon. Ngayon, higit kailanman, kailangan patunayan ng gobyerno na kaya nitong hawakan ang napakalaking pondo nang may ‘competence’ at ‘integrity’.

Ang tanong ng karamihang Pilipino ngayon ay kung kaya ba talaga ng administrasyong Marcos Jr. na pamahalaan ang isang napakalaking national budget, gayong sa nakaraang tatlong taon, kabaligtaran ang kanilang naipakita: na sobrang kapalpakan nila sa pagpakilos ng ating buwis para sa kapakanan ng taumbayan.

Nanatiling nakabitin sa ulo natin ang bangungot ng ghost flood-mitigation projects sa Department of Public Works and Highways. Para itong sugat na nakabuka na nagpakikita kung paano nawawala ang bilyon-bilyong piso na parang bula habang ang mga komunidad ay lumulubog sa baha.

Ang mga scandal na ito, na nagdawit sa maraming political personalities na malapit sa administrasyon, ay hindi lang tsismis para sa social media. Pruweba ito ng kriminal na gawain sa gobyerno — isang sistemang hindi kayang mag-track, mag-monitor, o magbantay ng pondong nakalaan para sa public infrastructure at basic services. Pruwebang bawat pisong ibinibigay natin sa estado ay nanganganib na mauwi sa spillovers, kickbacks, o diretsong pagnanakaw.

Maingat na pinupuri ng Firing Line ang Senado sa paggawa ng tamang adjustments sa paghahanda ng spending bill para sa 2026. Isa na rito ang pagputol ng P55.91 bilyon sa budget ng DPWH, ang pag-alis ng P68.5 bilyon mula sa bloated unprogrammed appropriations, at pagdagdag ng pondo sa mga lugar na talagang mahalaga — classrooms, universities, at internal security.

Dapat ding bigyan ng credit si Senator Ping Lacson sa pagtulak sa Kamara na alisin ang “allocables” — na tinawag niyang “new pork barrel,” o iyong mga malalabong pre-identified funds na nakalaan para sa paboritong kontraktor at kinutirang bidding.

Ang ‘resistance’ na hinarap niya ay patunay lamang kung gaano kalalim ang ugaling ito sa ilang miyembro ng naturang kataas-taasang kapulungan. Patawad — hindi naman ganoon kataas ang dignidad, dahil ilan sa kanila ay sangkot sa ilan sa pinakamalalaking pagnanakaw sa government projects sa kasaysayan.

Higit pa sa budget cuts sa papel, baka ang tunay na sukatan ng reporma sa pagbuo ng budget ay ang pagtiyak na ang napakalalaking pondo ay hindi lang nakatengga sa mga opisina ng gobyerno. Minsan pa nga, pinupuri pa ang ilang ahensya para sa kanilang “savings,” kahit ang totoo ay pondo ito ng proyekto na hindi nagastos — ibig sabihin, walang output.

Sa iba pang kaso, tulad ng DPWH, tambak ang pondo pero kunwari lang silang kayang magpatupad ng libo-libong proyekto, kahit ang totoo, sobrang konti lang ang qualified contractors para sundin nang tama ang design at tapusin ang trabaho.

Alam na natin kung ano ang nangyayari kapag ang malalaking players at triple-A contractors ang kumukuha ng proyekto pero inaasa lang sa subcontractors sa baba. Mismo si dating Public Works chief Babes Singson ang nagbabala kung paano ang substandard builders ang nauuwi sa pagpasan ng trabaho — at publiko ang nagbabayad sa gumuho-guhong proyekto at nasayang na pondo.

Dapat protektahan ng Kongreso ang pera ng bayan — hindi lang laban sa korapsyon, kundi pati sa kapalpakan. Hindi dapat ipinagmamayabang ang malaking numero sa budget na umaabot sa trilyon. Ang mahalaga ay sigurong budget na realistic, executable, at honest — nakaugat sa katotohanang ang gobyerno ay umiiral para maglingkod sa Pilipino, hindi para payamanin ang mga taong itinuturing tayong taxpayers bilang collateral damage.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here