
SA unang araw pa lamang ng panunungkulan ni mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bilang alkalde ng Maynila, isang matinding suliranin na agad ang kanyang hinarap, ang matinding krisis sa basura.
Ayon sa alkalde, sa kanyang unang oras pa lamang sa opisina makalipas ang 12:00 ng tanghali ng Hunyo 30, 2025, bumulaga agad sa kanya ang tambak na basura sa mga lansangan ng lungsod.
Sinabi ni mayor Domagoso, mas malala pa ang problema ng basura sa lungsod kaysa sa inaakala ng marami, at may nakaambang banta sa kalusugan ng publiko.
Lumalala ang sitwasyon bunsod ng humintong garbage collection operations, na dulot umano ng hindi nabayarang utang ng lokal na pamahalaan ng Maynila na umaabot sa halos Php 950 milyon sa ilalim ng administrasyon ni dating Mayor Dra. Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan.
Kinumpirma ni mayor Domagoso na dalawang pribadong kompanyang nakakontrata para sa waste management, ang PhilEco Metro Waste Management at Metro Waste Solid Waste Management Corporation ay tumigil sa pagseserbisyo simula pa nitong February 2025, dahil sa hindi pa nababayarang obligasyon ng lungsod.
Sa isang inspeksyon, nakita ang mga tambak na basura sa mga pangunahing kalsada katulad ng C.M. Recto Avenue, sa Divisoria, BASECO, kahabaan ng Mel Lopez Boulevard, Moriones, at marami pang iba, na lalong nagpapalala sa problema sa kalinisan, trapiko, at posibleng pagkalat ng sakit.
Bilang paunang solusyon, kaagad na inutusan ng alkalde ang Department of Public Services ng lungsod upang bumuo ng pansamantalang sistema ng pagkolekta ng basura. Hinikayat din niya ang mga Manilenyo na makiisa sa pamamagitan ng wastong pagtatapon ng basura at pagsunod sa mga lokal na ordinansa.
Nasaksihang ng inyong Agarang Serbisyo Lady ang mga tambak na basura sa Manila, nakakahiya sa mga turistang namamasyal dahil pumangit ang imahe ng Manila.
Nagsimulang maramdaman sa Maynila ang problema sa basura sa mga huling araw ng December 2024 at biglang pagpapalit ng waste contractor.