Home NATIONWIDE Malampaya gas field binisita ng AFP

Malampaya gas field binisita ng AFP

206
0

MANILA, Philippines — Binisita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Malampaya gas field sa karagatan ng Palawan bilang bahagi ng pinaigting na hakbang upang tiyakin ang seguridad ng newly discovered natural gas area.

Pinangunahan ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang pagbisita noong Biyernes sa loob ng area of responsibility ng Joint Task Force (JTF) Malampaya.

Ayon sa AFP, layon ng patrol na suriin ang kasalukuyang security posture at operational readiness sa pagbabantay ng Malampaya Natural Gas Power Project na matatagpuan sa West Philippine Sea.

Isinagawa rin ang briefing hinggil sa umiiral na mga hakbang sa seguridad, tuloy-tuloy na maritime at air patrol operations, at koordinasyon ng iba’t ibang ahensya upang matiyak ang ligtas na operasyon ng pasilidad.

Binigyang-diin ng AFP ang kahalagahan ng patuloy na pagbabantay at propesyonalismo ng mga tauhang nakatalaga sa pagprotekta sa offshore resources ng bansa.

“Patuloy na pinaiigting ng AFP ang presensya at monitoring operations sa mga estratehikong lugar bilang bahagi ng mandato nitong ipagtanggol ang pambansang soberanya, igiit ang karapatang pandagat, at pangalagaan ang mga kritikal na imprastraktura para sa kaunlaran ng bansa,” ayon sa pahayag.

Samantala, kinumpirma ng Prime Energy, operator ng Service Contract No. 38, ang matagumpay na pagtuklas ng karagdagang natural gas sa Malampaya East-1 (MAE-1), isang dati’y hindi pa napapakinabangang reservoir.

Batay sa paunang datos, tinatayang may 98 bilyong cubic feet ng karagdagang natural gas at kaakibat na condensate ang lugar, na katumbas ng halos isang-katlo ng natitirang mapo-prodyus na gas ng Malampaya.

Ayon naman kay Philippine Navy spokesperson Capt. Marissa Martinez, may sapat na kakayahan ang Navy na naka-deploy sa Western Command (Wescom) upang magsagawa ng tuloy-tuloy na naval patrols sa MAE-1.

Aniya, mahigit isang dekada nang nagpapanatili ng tuloy-tuloy na presensya ang Philippine Navy sa Malampaya sa pamamagitan ng JTF Malampaya, gamit ang naval surface, air, at special operations assets upang matiyak ang seguridad ng lugar. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here