KUALA LUMPUR, Malaysia – Ipatutupad ng Malaysia ang bagong patakaran na nag-aatas sa mga social media platform na mag-verify ng edad ng users at ipagbawal ang pagrehistro ng mga wala pang 16 taong gulang.
Ayon sa Malaysian Communications and Multimedia Commission (MCMC), simula Lunes, ang mga user na “below 16 years old” ay hindi na pinapayagang gumawa ng social media accounts. Kasama sa mga apektadong platform ang Facebook, Instagram, TikTok, at YouTube, na may mahigit 8 milyong users sa bansa.
Kinakailangan ng mga platform na magpatupad ng age verification measures, kabilang ang pag-check sa government-issued IDs tulad ng identity card o passport upang matiyak ang edad ng gumagamit.
Ang patakaran ay bahagi ng ilalim ng Online Safety Act ng Malaysia, partikular ang Child Protection Code at Risk Mitigation Code, na layong palakasin ang proteksyon sa mga bata laban sa harmful content at online risks.
Nagbigay naman ng grace period ang regulator para sa mga kumpanya upang maipatupad ang mga pagbabago, bagaman wala pang eksaktong petsa kung hanggang kailan ito.
Kapag hindi sumunod ang mga social media platforms, maaari silang pagmultahin ng hanggang 10 milyong Malaysian ringgit (humigit-kumulang $2.5 million), ayon sa MCMC.
Sinabi ng mga opisyal na ang layunin ng batas ay hindi pigilan ang internet access, kundi tiyaking ang mga kabataan ay makakagamit nito sa ligtas at angkop na paraan. RNT/MND