Home METRO Malaysian national tiklo sa reklamong pagnanakaw

Malaysian national tiklo sa reklamong pagnanakaw

MANILA, Philippines – Dinakip ng mga tauhan ng Pasay City police Baclaran Substation ang isang Malaysian na nahaharap sa reklamong pagnanakaw nitong Martes, Marso 12.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. ang inarestong suspek na si alyas Yap, 38.

Ang pagkakaaresto kay alyas Yap ay bunsod sa isinampang reklamo ng biktimang kinilala lamang na si Almirol Jr., 48, residente ng Jorge Bocobo St., Malate Manila.

Sinabi ni Mayames na nadakip si alyas Yap sa tapat ng isang fast food restaurant na matatagpuan sa kahabaan ng Service Road sa Roxas Boulevard, Barangay 76 Zone 10, Pasay City.

Ayon kay Mayames, inireklamo ni Almirol sa Baclaran Substation ang suspect na kanyang pinagbibintangang kumuha ng kanyang pitaka na naglalaman ng P15,000.

Sa isinagawang imbestigasyon ay sinabi ni Almirol na magkatabi silang nakasakay sa isang sasakyan at pagdating sa tapat ng fast food restaurant ay bumaba siya para pumunta sa comfort room habang naiwan ang suspect sa sasakyan.

Sa kanyang pagbalik sa sasakyan ay nadiskubre ng biktima na nawawala ang kanyang pitaka gayundin ang suspect at sa kanyang paghahanap ay nakita ang Malaysian national na nakatayo sa tapat ng restaurant kung saan niya ito kinompronta.

Sa gitna ng kanilang komprontasyon ay nakita ng biktima ang kanyang pitaka sa bulsa ng suspect at nang kanya itong busisiin ay kulang na ng P5,000 ang laman ng kanyang pitaka. (James I. Catapusan)

Previous articleSenior citizen assistance program, inilipat ng DSWD sa NCSC
Next articleLPG delivery rider tiklo sa Taguig drug ops