MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Supreme Court ang parusang ipinataw ng mababang korte sa mga manager ng isang pizza restaurant dahil sa pagbulsa ng mga service charge na dapat sana ay ibinahagi sa kanilang mga kapwa empleyado.
Gayunman, binago ng SC Second division ang hatol at ginawang simple theft na lang sa halip na qualified theft.
Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Antonio T. Kho, Jr., pinatawan ng Second Division ng Korte ang mga manager ng Shakey’s branch sa Angono, Rizal na sina Janice Teologo at Jennifer Delos Santos ng parusang anim na buwang pagkakakulong at inutusan silang bayaran ang kapwa nila empleyado ng kaukulang parte nila ng service charge kasama ang interes.
Isa sa mga trabaho nina Teologo at Delos Santos bilang manager ay ibigay ang sweldo at bahagi ng service charge ng kanilang mga empleyado.
Taong 2009 nang magsumbong ang mga empleyado ng Shakey’s sa Angono, Rizal sa Big G PhilFoods & Entertainment, Inc. (Big G), may-ari ng nasabing sangay ng Shakey’s, na hindi nila natatanggap ang kanilang bahagi ng service charge.
Dagdag pa nila, kahit wala silang natanggap, napilitan silang pumirma sa mga dokumento ng payroll dahil ayon sa mga manager, patakaran umano ito ng kumpanya.
Una nang hinatulan ng Regional Trial Court at ng Court of Appeals ang mga manager, kabilang ang dalawang hindi pa nahuhuli, ng qualified theft dahil sa kabiguang ipamahagi ang service charge at pag-abuso sa tiwala ng kanilang employer, ang Big G.
Sa ilalim ng Revised Penal Code, ang theft o pagnanakaw ay nangyayari kapag ang isang tao ay kumuha ng isang bagay na pag-aari ng iba nang walang pahintulot, na may layong makinabang mula dito, nang hindi gumagamit ng karahasan o puwersa. Nagiging qualified theft kapag may nasasangkot na pag-abuso sa tiwala o kumpiyansa ng employer.
Sa kasong ito, ibinulsa ng mga manager ang service charge na nakalaan sana para sa kapwa nila empleyado. Ang mga biktima sa kasong ito ay ang mga empleyado at hindi ang employer. Dahil walang special trust relationship sa pagitan ng mga manager at rank-and-file na manggagawa, walang pang-aabuso sa tiwala o kumpiyansa upang maging qualified ang pagnanakaw. TERESA TAVARES