MANILA, Philippines – Hinimok ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagpapatupad ng mandatory online ticketing system para sa mga shipping lines sa mga daungan ng bansa upang matugunan ang pagdami ng mga pasahero sa panahon ng Kapaskuhan.
Sinabi ni PPA General Manager Jay Santiago na tinatayang 4.5 milyong manlalakbay ang inaasahang gagamit ng mga daungan sa pagitan ng Disyembre 15, 2024, at Enero 5, 2025, dahil sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Idinagdag ni Santiago na marami pa rin sa mga pasaherong ito ang nagpasyang bumili ng kanilang mga tiket offline, na nagreresulta sa mahabang pila sa mga terminal entry at exit point.
Bagamat niluwagan ang Batangas port mula 3,000 seating capacity sa 8,000 seating capacity, ngunit binigyang-diin na ang pagtaas ng port capacity ay hindi sapat.
Ayon kay Santiago, karagdagang barko ang kinakailangan para tuloy-tuloy ang biyahe kung saan matagal na aniya itong pinapanawagan sa mga kinauukulan.
Ang Batangas Port ay kasalukuyang humahawak ng average na 25,000 pasahero araw-araw, at ang PPA ay nagtalaga ng mga tauhan upang tulungan ang mga manlalakbay sa buong orasan.
Samantala, ilang pasahero sa iba’t ibang terminal ang nakaranas ng pagkaantala dahil sa kakulangan ng mga bus at barko, na pinalala pa ng patuloy na pagsasaayos ng kalsada. Jocelyn Tabangcura-Domenden