MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Disyembre 23 sa mga tindahan na nagbebenta ng illegal na paputok.
Sa press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na ang mga lalabag na may-ari ng tindahan ay maaaring makansela ang kanilang mga permit at kumpiskahin ang kanilang mga paputok.
“Kung mahuhulihan po ang mga physical stores ng mga illegal na paputok ito ay posibleng magresulta ng pagkakansela ng kanilang mga permit at siyempre pagkakakumpiska po ng kanilang mga paputok,” ani Fajardo.
“Tuloy-tuloy po yung ating cyber patrolling at siyempre yung ating mga random inspection doon sa mga physical stores na nagbebenta po, dapat po meron yang [Philippine Standards] marks, ibig sabihin dumaan po yan sa quality check ng [Department of Trade Industry]. Naglabas na rin po tayo ng listahan ng mga bawal na paputok,” dagdag pa niya.
Para sa pagbebenta ng illegal na paputok online, sinabi ni Fajardo na nagsasagawa ng operasyon ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) mula pa noong Disyembre 6.
Nasa kabuuang 541 illegal firecrackers na nagkakahalaga ng P14,370 ang nakumpiska sa tatlong operasyon.
Karamihan sa mga ito ay five star, kwitis at pastillas.
Batay sa Executive Order 28 at Republic Act 7183, tinukoy ang kabuuang 28 na ipinagbabawal na paputok kabilang ang watusi, piccolo, five star, pla-pla, lolo thunder, at iba pa. RNT/JGC