Home HOME BANNER STORY Mano-manong pagbilang ng boto ‘di na kailangan sa automated local, national elections...

Mano-manong pagbilang ng boto ‘di na kailangan sa automated local, national elections – SC

51
0
Supreme Court

MANILA, Philippines — Pinagtibay ng Korte Suprema (SC) na hindi maaaring obligahin ang Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng manual counting ng boto sa antas ng presinto sa ilalim ng Automated Election System (AES) para sa lokal at pambansang halalan.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh at inilabas noong Mayo 14, sinabi ng SC na may malawak na kapangyarihan ang Comelec sa ilalim ng Konstitusyon upang ipatupad at pamahalaan ang mga batas sa halalan, kabilang ang pagdedesisyon sa pinakaepektibong paraan upang matiyak ang malinis, maayos, at kapani-paniwalang eleksyon.

Ayon sa Korte, hindi inaatas ng Republic Act No. 9369 o Automated Election Law ang sabay na manual counting. Sa halip, kinakailangan lamang ang paggamit ng Voter Verifiable Paper Audit Trail (VVPAT) at iba pang minimum safeguards upang matiyak ang katumpakan at transparency ng boto.

“Ang mekanismo ay nagbibigay-daan sa mga botante na beripikahin ang kanilang balota at nagsisilbing inherent safeguard, kaya hindi na kailangan ang manual counting sa antas ng presinto,” ayon sa SC.

Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng grupong pinamumunuan nina Bishops Gerardo A. Alminaza at Jose C. M. Bagaforo na humiling sa Comelec na maglabas ng patakaran para sa manual counting sa presinto.

Iginiit ng grupo na ang hindi pag-aksyon ng Comelec ay umano’y grave abuse of discretion at binanggit ang mga probisyon ng batas hinggil sa transparency sa pagbasa ng balota at resulta ng halalan.

Gayunman, sinabi ng SC na nasa saklaw ng kapangyarihan ng Comelec ang desisyong ito sa ilalim ng Automated Election System, na layong gawing moderno ang proseso ng halalan sa pamamagitan ng automated counting at consolidation.

“The AES is equipped with sufficient transparency safeguards, and the absence of a manual counting requirement does not constitute a denial of due process,” ayon sa Korte.

Sa kabuuan, sinabi ng SC na nabigo ang petisyon na magpakita ng grave abuse of discretion kaya ito ay ibinasura dahil sa kakulangan ng merito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here