
KAKAPUNIN na sa estado ng Louisiana, United States of America ang mga rapist.
Partikular na parurusahan ng kapon ang mga bumibiktima ng mga menor-de-edad na 13 anyos pababa.
Babae at lalaki, maparurusahan.
Ang lalaki, tatanggalan ng bayag at ang babae, tatanggalan ng matris.
Pasado na ang panukalang batas sa Senado at Kamara ng estado at tanging ang pirma na lang ni Louisiana Governor Jeff Landry ang hinihintay para maging ganap na batas.
Isang linggo matapos makalaya sa kulungan, kakausapin ang rapist na makapon siya at kung tumanggi ito, madaragdagan ang kanyang pagkabilanggo ng limang taon.
Maaari namang i-veto Gov. Landry ang panukala ngunit maaaring pangibabawan ito ng higit na nakararaming mambabatas.
May ibang pagkapon na umiiral sa ibang estado na laban sa mga lalaki.
Dinaraan ito sa kemikal para mabawasan nang malaki ang pagnanasa sa sex ng tao at umiiral ang sistemang ito sa mga estado ng Alabama, California at Texas.
HUMAN RIGHTS GROUP
Ayon sa human rights groups, masyado umanong malupit ang parusa at halos walang kaibhan umano ito sa pinaiiral sa mga bansang Pakistan at Nigeria.
Sa pagkapon na dinaraan sa kemikal, hindi masyadong kinontra.
Pero sa tanggal yagbols at matris, todo kontra ang mga nasa human rights.
Pero katwiran ng mga mambabatas, proteksyon umano ang panukalang batas para sa mga inosente at walang kalaban-labang tao o mamamayan.
Kasalukuyan ang kampanya ng human rights groups para labanan ang panukala at hinihiling nilang i-veto ng governor ito.
Kapag pinirmahan at maging ganap na batas, magsasampa sila ng kaso sa hukuman para ipawalambisa ito.
Idaraan naman ang convict sa pagsusuri ng doktor bago iutos ng huwes ang pagkapon.
SA PINAS KAYA?
Paano naman kaya kung may magpanukala sa Pinas ng parehong panukala?
Kung susubaybayan ninyo, mga Bro, ang mga ulat ng ating diaryong Remate at Remate online, walang lilipas na linggo na walang ulat ukol sa mga rapist.
At dahil pareho ang lalaki at babae na rapist, paano kung makapon din sila, Louisiana style?
Yun bang === tanggal yagbols at matris!
Sa ngayon, pagkabilanggong 20-40 taon lang ang parusa sa ilalim ng reclusion perpetua.
Kung menor-de-edad, mas mababa at ‘yung iba, hindi pa nga naparurusahan.
Alalahaning doble parusa ang panukala – pagkabilanggo at kapon.
Kung may magpanukala man, dapat malinaw na ang mga rapist ang maparurusahan, menor-de-edad man o may edad ang mga biktima.
Sa palagay ba ninyo, magiging epektib ito laban sa mga manyak na rapist?
Naiisip lang natin, mas gusto ng lalaking manyakis na pahabain ang pagkabilanggao nito kaysa makapon.
Tanong lang, mga Bro, pabor ba kayo o hindi sa pagkapon sa babae at lalaki na sangkot sa rape?