Home OPINION P29 BIGAS, PARA KANINO?

P29 BIGAS, PARA KANINO?

BALAK ng pamahalaang Marcos na gawing P29 kada kilo ng bigas.

Ngunit para lang umano sa mahihirap, lalo na ang mga benepisyaryong sakop ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Kapag naibaba na ang taripa o buwis sa importasyon sa bigas mula sa 35 porsyento sa 15%, magaganap umano ito.

Anomang araw, maglalabas umano si Pangulong Bongbong Marcos ng executive order para sa pagbababa ng halaga ng taripa at matapos nito, maaasahan na ang pagbaba ng presyo ng bigas sa P29 kada kilo.

Teka nga pala, gaano ba karami ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na pangunahing sistema ng conditional cash transfer sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development?

Ayon sa Philippine Statistics Authority, nitong nakaraang taon, may 25.24M mahihirap na indibidwal na Pinoy at kumonti ang bilang ng mga ito mula sa 26.14M noong 2022 pero mas marami sa 22.26M noong 2018

Nakapaloob dito ang nasa 4.4M 4Ps at sila ang pangunahing makikinabang ng P29 kada kilong bigas.

Nais kong palakpakan ang programang ito.

Pero paano naman ang nasa 20 milyong mahihirap na sinasabi ng PSA?

Kaugnay nito, sa sarbey ng isinagawa ng Social Weather Station na karaniwang tinatanggap na totoo, nasa 41% o 41 milyon ang mahihirap mula sa mahigit 100M Pinoy.

Ang mahihirap na ito ang nagsasabing kinukulang sila ng pagkain at marami sa kanila ang isa o dalawang beses lang kumakain sa loob ng isang araw, bukod pa sa kawalan ng sapat na sustansyang pagkain.

Pinakamatindi ang kalagayan ng mga nasa Visayas at Mindanao na naglalaro sa 44%-46% ang salat sa pagkain habang sa mga nasa Luzon, 24% lamang.

Bilang paglilinaw ng SWS, may 12.9M salat sa pagkain at kung ikukumpara ito sa 26.39M pamilyang Pinoy, ayon sa PSA, malinaw na hindi lang miyembro ng 4Ps ang dapat tugunan ang pangangailangan sa murang bigas.

Paano sila makikinabang sa P29 kada kilong bigas?