MANILA, Philippines – Nadakip ng mga rumespondeng tauhan ng Parañaque City police ang isang lasing na armado ng sumpak matapos magwala at maghasik ng takot Miyerkules ng madaling araw, Setyembre 4.
Sa report na natanggap ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete ay nakilala ang inarestong suspect na si alyas Raymond, 29.
Ayon kay Parañaque City police officer-in-charge P/Col. Melvin Montante, naganap ang pagdakip sa suspect dakong ala 1:45 ng madaling araw sa Barangay San Martin De Porres, Parañaque City.
Sinabi ni Montante na ang pagdakip kay alyas Raymond ay naisakatuparan bunsod ng reklamo na natanggap mula sa isang saksi na nakilalang si alyas Jennifer, 45.
Makaraang matanggap ang reklamo mula kay alyas Jennifer ay agad na rumesponde ang mga miyembro ng Marcelo Green police Sub-station kung saan nasaksihan nila ang suspect na nanduduro at naghahamon ng duwelo sa mga residente sa lugar.
Sa pag-aresto sa suspect ay narekober sa kanyang posesyon ang isang sumpak na kargado ng isang bala na nakasukbit sa kanyang baywang.
Kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal possession of firearm and ammunitions) at alarm and scandal ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa Parañaque City police custodial facility. (James I. Catapusan)