Home OPINION MARAMING IIKOT ANG TUMBONG SA OIL SPILL INQUIRIES

MARAMING IIKOT ANG TUMBONG SA OIL SPILL INQUIRIES

Ang Manila Bay ay napaka-importanteng bahagi ng bansa dahil sa dulot nitong kontribusyon, hindi lamang sa mga mangingisda kundi sa larangan ng negosyo at komersyo.

Dahil mayaman sa lamang-dagat na pinagmumulan ng ikinabinuhay ng libong  pamilya, ang Manila bay ay daluyan din ng kalakal na pumapasok at lumalabas ng Metro Manila.

Pero sa isang banda, hindi lang puro paborable, kundi may “undesirable characteristic” din ang naturang karagatan dahil  nagagamit ito sa kalokohan at kasamaan tulad ng smuggling at operasyon ng paihi.

Katunayan, ang nasabing lugar ay tema ngayon  nang mainit na usapin dahil sa kadudadudang paglubog ng tatlong cargo ship na dahilan ng oil spill na maaaring magdulot ng polusyon sa Manila bay.

May mga nagpanukala na na dapat imbestigahan  ang sabay-sabay na paglubog ng MT Terra Nova, MT Jason Bradley at MV Mirola 1  sa baybaying bahagi ng Manila bay, malapit sa Bataan.

Ang MV Mirola 1 na hinuli noong Enero 2023 ng Philippine Coast Guard sa  karagatan ng Navotas dahil  naaktuhang sangkot sa paihi ay inamin ng Philippine Ports Authority na unregistered, walang record sa ahensya na lalong nagpatibay sa ulat na ginagamit ito sa paihi at oil smuggling.

Isa sa nagpalutang ng imbestigasyon ay si Deputy House Speaker at ACT – CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo dahil sa pangambang ang tatlong barkong lumubog sa kasagsagan ng habagat na sinabayan ng bagyong Carina ay may kargang smuggled oil products.

Binanggit ang National Bureau of Investigation, isa sa mga ahensyang inaasahang magsagawa ng imbestigasyon, na mismong si Department of Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang nagbabalang magsasampa ang pamahalaan ng class suit laban sa mga may-ari ng mga nasabing barko.

Ayon sa kay Remulla, libong mangingisda na nakatira sa paligid ng Manila Bay, partikular sa Cavite, ang nawalan ng kabuhayan dahil sa epekto nang malawakang pagtagas ng langis mula sa tatlong barko.

Pero giit ng mga malilikot ang isip, dapat ay magsagawa rin ng sariling pagsilip ang Senado at Kongreso para maiwasan ang pinapangambahang cover-up sa totoong nangyari sa nasabing sakuna.

Kung sakaling magsasagawa ng Senate at Congress ng  imbestigasyon ay tiyak na maraming  opisyal ng pamahalaan ang iikot ang tumbong dahil sa pagkunsinti sa multi-billion paihi business ni alyas “Boss Violago”. Abangan.