MANILA, Philippines- Maraming tatamaan sa patuloy na ginagawang balasahan sa Gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tiniyak ni Executive Secretary Lucas Bersamin na maraming opisyal at appointees ang maaapektuhan habang nagpapatuloy ang ebalwasyon.
Ang pahayag na ito ni Bersamin ay matapos niyang ianunsyo ang pag-alis at paglipat sa tatlong miyembro ng gabinete.
“Obviously ito ay proseso ‘yan, hindi puwedeng lumpsum na maghusga ka sa kanila,” ang sinabi ni Bersamin.
Nauna rito, ipinanawagan ni Pangulong Marcos ang courtesy resignations sa Cabinet officials, presidential appointees at pinuno ng mga ahensya ng pamahalaan.
Prayoridad ng Office of the President (OP) ang pagrerebisa ng iba’t ibang departamento na may kinalaman sa pangunahing serbisyo at pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.
“Mayroon kasing mga opisina na hindi involved sa daily life ng tao, the research groups, mga ganoon,” ayon kay Bersamin.
Inamin ni Bersamin na may ilang pinuno ng ahensya ang hindi madaling tanggalin subalit sumasailalim sa ebalwasyon at masusing pagsusuri. Kris Jose