MANILA, Philippines – Nanawagan si House Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Sarah Elago kay Pangulong Bongbong Marcos na iprayoridad na masolusyunan ang pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin sa harap na rin ng mataas na inflation rate sa nakalipas na buwan.
Ayon kay Elago, isa sa dapat gawin ng administrasyon ay tanggalin na ang 12% Value-Added Tax upang tuluyang mapababa ang presyo ng bilihin.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ng 1.8% ang inflation noong Disyembre.
“This data confirms what ordinary Filipinos have long been feeling — high prices remain the primary burden on household budgets, especially for low-income families. Hindi dapat pinapasan ng mamamayan ang bigat ng inflation habang patuloy na binubuwisan sa pagkain at iba pang batayang bilihin. Ang VAT ay hindi makatarungan at dapat nang tanggalin,” paliwanag ni Elago.
Kinontra din ni Elago ang pagmamatigas ni Executive Secretary Ralph Recto na hindi dapat tanggalin ang VAT dahil kung gagawin ito, kinakailangang mangutang ang Pilipinas ng aabot sa P3 trilyon.
“Walang karapatan ang gobyerno na gawing dahilan ang pangungutang kung mismong sila ang nagpapalala nito sa pamamagitan ng korapsyon at maling prayoridad,” giit ni Elago.
Nanindigan naman ang Gabriela Partylist na patuloy nilang isusulong sa Kamara ang pag-alis sa VAT.
“Sa pagbabalik ng sesyon sa January 26, pangungunahan namin ang paggigiit para sa agarang pagpapasa ng mga panukalang magpapababa ng presyo ng bilihin at magbibigay ng agarang ginhawa sa mamamayan,” pagtatapos pa ni Elago. Gail Mendoza