MANILA, Philippines- Inihayag ng Bangsamoro government nitong Biyernes ang suporta para sa Marcos administration sa gitna ng panawagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.
Sa ulat nitong Biyernes, nanindigan si BARMM Chief Ahod Ebrahim sa implementasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), na nagbigay-daan sa pagkakatatag ng Bangsamoro.
“Although more has yet to be done, Parties to the CAB have made great strides in the implementation of its components that are ultimately beneficial to the Bangsamoro people,” wika ni Ebrahim.
“We remain grateful or, and acknowledge, the significant contributions made by past and present Presidents of the Philippines in arriving at the peaceful settlement of the Bangsamoro Question,” dagdag niya.
Itinatag noong 2019, nilikha ang BARMM sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law, na pumalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao. Binubuo ito ng mga lalawigan ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu, at Tawi-Tawi at 63 barangay ng North Cotabato.
Umapela rin si Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. sa publiko na ibasura ang mga panawagan na makapagde-“destabilize” sa bansa kabilang ang paghiwalay ng Mindanao.
Ayon kay Galvez, labag ang “secession” sa nakasaad sa Konstitusyon maging sa mga alituntunin ng komprehensibong peace process na nagwakas sa ilang dekadang armed conflict sa Mindanao.
Naniniwala naman ang isang Muslim rights group na para lamang sa politika ang nasabing panawagan.
“Karamihan ng gustong i-secede ang Mindanao galing naman Luzon at Visayas. Hindi naman sila indigenous sa Muslim Mindanao and if you’re talking about will the Muslims follow secession, medyo pagod na ang mga kasamahan namin sa giyera. We’ve been fighting for how many decades,” ani Amina Raoul, President ng Philippine Center for Islam and Democracy. RNT/SA