MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa habang kumikilos ang pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng tensyon sa Middle East sa presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.
Sa isang Kapihan matapos ang kanyang paglahok sa 18th BRICS Summit sa New Delhi, India, sinabi ni Marcos na bagama’t limitado ang kontrol ng Pilipinas sa mga pandaigdigang sigalot at paggalaw ng presyo ng langis, maaari namang kumilos ang gobyerno upang matiyak ang food security.
“There are certain things that you cannot control… such as the war in Iran and the volatility of the prices of oil. You can, however, do something about food,” ani Marcos.
Sinabi ng Pangulo na prayoridad ng administrasyon ang pagpapanatili ng sapat na food supply at pagpapababa ng presyo ng pagkain, kasabay ng patuloy na ayuda sa mga pamilyang kapos sa kita.
Kaugnay nito, isinusulong ng Pilipinas ang posibilidad ng long-term rice supply agreement sa Vietnam.
Ayon kay Marcos, tinalakay ang rice imports, presyo at posibleng pangmatagalang kontrata sa kanyang bilateral meeting sa Vietnamese leader sa sidelines ng BRICS Summit.
“We talked about rice and rice importation and talking about a long-term contract. We talked about pricing. Hindi pa tapos,” ani Marcos.
Layunin umano ng naturang hakbang na mapatatag ang suplay ng bigas at makatulong sa pagpapababa ng presyo nito sa merkado.
Binigyang-diin din ni Marcos na kabilang sa mga pangunahing usaping isinusulong ng Pilipinas sa BRICS Summit ang food at energy security sa gitna ng geopolitical conflicts at disruptions sa global supply chains.
Pinuri rin ng Pangulo ang mga local government unit sa pagtulong sa national government sa paghahatid ng ayuda at serbisyo sa mga komunidad.
“It’s always become very much a whole government approach,” ani Marcos. Kris Jose