MANILA, Philippines – Iniutos ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian ang mas mahigpit na seguridad sa Senado matapos ang ulat ng intelligence mula sa National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa posibleng banta sa kapulungan.
Sa panayam, sinabi ni Gatchalian na nakikipag-ugnayan ang Senado sa NBI at iba pang intelligence agencies upang tiyakin ang kaligtasan ng 24 na senador at humigit-kumulang 2,000 empleyado.
“Ang importante kasi ngayon ay kaayusan at proteksyon ng Senate premises. Importante rin yung kaayusan at proteksyon ng mga empleyado. Hindi lang natin pinoprotektahan isa o dalawang senador. Dalawampu’t apat na senador po ang pinoprotektahan natin at halos dalawang libong kawani,” ani Gatchalian.
Inatasan na rin ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms na ayusin at palakasin ang security protocols base sa impormasyong ibinigay ng mga awtoridad.
Hindi nagbigay si Gatchalian ng detalye tungkol sa banta ngunit iginiit niyang hindi dapat maging kampante ang Senado.
“Ayon sa NBI, meron kaming intelligence na ipinasa sa atin at sa mga senador na merong banta na pwedeng mangyari sa Senado at kailangan po kami mag-adjust ng security efforts,” aniya.
Dagdag pa niya, dapat seryosohin ang lahat ng intelligence information upang maiwasan ang anumang pinsala sa mga senador, empleyado, at bisita.
“Hindi tayo pwede maging kampante. Dahil kung may mga ganyang intelligence information, dapat ho seryosohin. At lahat ng banta ay dapat ho seryosohin,” ayon kay Gatchalian.
Ayon sa kanya, ang pagpapahigpit ng seguridad ay kasabay ng patuloy na usapin sa liderato ng Senado, paghahanda sa impeachment proceedings, at mga imbestigasyon ng mga komite tulad ng Blue Ribbon Committee tungkol sa umano’y flood control anomalies.
Sinabi rin niya na kailangang manatiling maayos ang operasyon ng Senado habang tinitiyak ang kaligtasan ng mga mambabatas, empleyado, resource persons, at publiko, lalo na habang tumutugon ang kapulungan sa 7.8 magnitude na lindol na tumama sa Mindanao. RNT/MND