MANILA, Philippines- Binigyang-diin ng Department of Health (DOH) ang agarang pangangailangan na palakasin ang preventive care sa bansa na binanggit ang kakulangan nito bilang isang pangunahing kadahilanan na nag-aambag sa sobrang kapasidad sa mga pampublikong ospital.
Ipinaliwanag ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na kung walang sapat na maliliit na klinika at ospital, hindi maiiwasang dumulog ang mga pasyente sa mga apex na ospital tulad ng Philippine General Hospital, na nagpapalala sa isyu ng overcrowding.
Upang matugunan ang overcapacity ng PGH, binanggit ni Domingo na ang DOH ay nagtalaga ng 21 accredited na ospital sa Metro Manila na maaring mag-accomodate ng mga pasyente sa mga susunod na araw.
Bukod dito, ipinunto ni Domingo na kakulangan ng access sa masustansyang pagkain sa maraming lugar bilang malaking kontribusyon sa tumataas na bilang ng mga sakit sa mga Pilipino.
Sinabi ni Domingo na kailangan ng ‘whole-of-government and society approach’ upang mapalakas ang preventive care, na ginagawa itong shared responsibility sa pagitan ng gobyerno at ng mga mamamayan nito.
Para maibsan ang hirap sa mga pampublikong ospital, nagtayo ang gobyerno ng humigit-kumulang 46 na Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) centers sa buong bansa.
Sa kabila ng kamakailang pagsirit ng admission sa ospital, tiniyak ng DOH sa publiko na ang pamunuan ng PGH ay walang nakitang “hindi pangkaraniwan o mapanganib na dahilan” para sa pagdagsa ng mga pasyente at inaasahan ang pagbaba ng bilang sa mga darating na araw. Jocelyn Tabangcura-Domenden