
Quezon City – Binigyang-diin ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang kahalagahan ng pagtiyak ng ligtas at sustainable relocation sites para sa mga komunidad na apektado ng natural calamities at development projects.
Sa turnover ng tatlong bagong itinayong multi-purpose buildings sa iba’t ibang barangay, ibinahagi ni Tolentino sa mga residente ng Quezon City ang kanyang adbokasiya na magbigay ng disenteng pabahay at sustainable relocation sites para sa displaced communities.
“Hindi sapat na ilipat ang mga residente mula sa mga hazard zone sa mas ligtas na lugar. Kailangan din nating tiyakin na ang kanilang mga pangunahing pangangailangan ay matutugunan sa kanilang mga bagong tahanan sa relocation site,” idiniin ni Tol.
Kabilang sa mga inisyatiba ng senador ay ang pagbibigay ng housing units para sa 450 pamilyang nawalan ng tirahan sa pagputok ng bulkang Taal noong 2020. Matatagpuan sa Talisay, Batangas, ang proyektong pabahay ay pinasinayaan ni Tolentino noong 2023.
“Ang 450 pamilya ay inilipat mula sa kanilang komunidad sa Volcano Island, at ngayon ay ligtas na naninirahan sa labas ng 14-kilometer danger zone ng Taal, kung saan mayroong isang paaralan at isang barangay upang tumugon sa kanilang mga pangangailangan,” ipinunto niya.
Sinabi ng senador na isinulong din niya ang isang proyektong pabahay para sa mga residente ng Brgy. Mauraro, Guinobatan, Albay, upang mapanatili silang ligtas sa patuloy na aktibidad ng bulkan ng Mt.Mayon. Pinangunahan din niya ang mga katulad na hakbangin sa Cagayan De Oro at Manggahan Floodway sa Pasig City.
Sa turnover ceremonies sa Quezon City, sinabi ni Tolentino na ang mga bagong multipurpose building ay magbibigay ng karagdagang espasyo sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mga miyembro ng komunidad.
“These can serve the barangay in times of calamities and community events,” ani Tolentino na tumutukoy sa two-storey buildings na nai-turn over sa Barangays Holy Spirit, Payatas, at Bagong Silangan.
Nagpasalamat naman si Quezon City 2nd district Councilor Mikey Belmonte, na naroon sa turnover, sa pagtulong ni Tolentino sa pamahalaang lungsod na pangalagaan ang kapakanan ng mga nasasakupan nito.
Dating mayor ng Tagaytay City at chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA), si Tolentino ay may malawak na karanasan sa disaster management at community rehabilitation. RNT