Home NATIONWIDE SEC kinastigo sa pagpayag na ibigay sa lending companies ng confidential info...

SEC kinastigo sa pagpayag na ibigay sa lending companies ng confidential info ng mga kliyente

(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines- Matinding kinastigo ng isang mambabatas ang  Securities and Exchange Commission (SEC) sa ilang pagkakamali nito hinggil sa pamamaraan ng pamamahala sa operasyon ng financial at lending companies sa online lending applications (OLAs).

Sinabi ni Senador Raffy Tulfo na maraming natatanggap na reklamo ang kanyang tanggapan mula sa netizens na umutang sa OLAs. Nagulat sila nang malaman na ibinigay ang kanilang personal na impormasyon sa iba.

Base sa imbestigasyon ng  Senate Subcommittee on Banks and Financial Institutions nitong Marso 27, ibinulgar ni Tulfo na kanilang nadiskubre na pinapayagan ng SEC ang lending companies na malayang ibahagi ang confidential information ng umutang sa third-party service providers, na nakatakda sa Section 2 ng kanilang Circular No. 18, s. 2019.

“Why would you allow OLA to share private information of their clients to a collection agency which is a different animal?”  ayon kay Tulfo.

“Baguhin niyo itong circular order ninyo,” dagdag pa niya.

Ikinatuwiran naman ni Lawyer Kenneth Joy Quimio, OIC Director of the Financing and Lending Companies Department ng SEC na pawang agents ng OLS ang third-party providers.

Ngunit, hindi pumayag si Tulfo sa katwiran ng SEC na nagsasabing nilalabag nito ang Data Privacy Act of 2012 (Republic Act No. 10173), na nagbibigay proteksyon sa sensitive personal information.

“OLAs and third-party service providers are separate entities and should not be given such sensitive data,” aniya.

Bilang resulta, iminungkahi ni Tulfo na dapat magtayo ng sariling collection unit ang OLAs upang komolekta ng utang upang magkaroon ng pagkakataon ang umutang na  makapagreklamo kapag hina-harass sila.

Inirekomenda ng senador na alisin ang probisyon sa SEC circular at rebyuhin ang paglikha ng bagong patakaran, na pumayag si Quimio.

Binatikos din ng senador ang SEC hinggil sa nakakalitong listahan dahil isinama nito ang 117 registered financial and lending corporation na nagpapatakbo ng 181 online lending platfomrs na ibinahagi lamang nitong Marso 18, 2025.

Kinuwestiyon ng senador ang ahensya kung bakit nagpataw ng moratorium sa online lending platforms nong November 2, 2021 na hindi papayagan ang bagong rehistrasyon, pinayagan ang rehistrasyon ng bagong kompanya kaya lumobo ang bilang ng platform ng mahigit 40 nitong 2025.

Ayon kay Quimo, may ilang kompanya na nagkaroon ng over-declared at inilista ang kanilang website na may   marketing and advertising purposes. Patuloy umano ang monitoring ng SEC sa OLAs.

Hindi tinanggap ng senador ang paliwanag, at nagsabi na natuklasan nitong may isang kompanya na may pangalan na Sun Prime Incorporated, na hindi nag-apply ng OLA license bago ang moratorium noong 2021 pero pinayagan ng SEC na kumilos bilang Salmon Finance noong 2025.

Nangako si Quimo na kanyang susuriin sa SEC kung ano ang nangyari at magsunmite ng opisyal na response report sa Senado.  Ernie Reyes