MANILA, Philippines- Muling pinagtibay ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang pangako sa pagsuporta sa mga Pilipinong magsasaka at pagpapalakas sa mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa kanyang pagdalo sa Farmers Congress sa Carmen, Bohol.
Inimbitahan ni Mayor Conchita Torbio delos Reyes, humarap si Go sa mga magsasaka at mga lokal na opisyal kung saan ay itinampok niya ang kanyang hands-on approach sa governance sa pagtataguyod ng food security, pagpapabuti ng access sa mga serbisyong medikal at pagpapalakas sa kabataan bilang mga lider sa hinaharap ng bansa.
“Para sa mga magsasaka, dapat bigyan kayo ng lahat. Kailangan laging masaya ang ating mga magsasaka, dapat busog kayo, dapat kayo ang kumikita para hindi magutom ang mga Pilipino,” sabi ni Go.
Binigyang-diin ni Go, miyembro ng Senate committee on agriculture, na ang mga magsasaka ang backbone ng food security ng bansa at dapat unahin sa mga programa ng gobyerno.
Isa ang senador sa co-author ng Republic Act No. 11901, o ang Agriculture, Fisheries, and Rural Development Financing Enhancement Act of 2022. Pinalalakas ng batas na ito ang mga mekanismo sa pananalapi para sa mga magsasaka at mangingisda para matiyak na mayroon silang access sa mahahalagang resources sa produktibidad at kabuhayan.
Ipinaglaban din ni Senator Go ang mga patakarang nagpapagaan sa mga pasanin na kinakaharap ng mga benepisyaryo ng repormang agraryo. Katuwang siya sa pag-akda at pagtataguyod ng RA 11953, o ang New Agrarian Emancipation Act na naglilibre sa mga magsasaka sa mga hindi nabayarang amortisasyon sa lupa, naipong interes, penalty at mga surcharge.
Upang higit na matiyak ang kanilang kabuhayan, inihain din ni Go ang Senate Bill No. 2117, na layong magtatag ng komprehensibong crop insurance program para sa agrarian reform beneficiaries, at SBN 2118 na magpapalawak sa insurance coverage ng mga magsasaka.
Ayon kay Go, hindi dapat umasa ang bansa sa imported goods at sa halip ay dapat palakasin ang local food production kaya nanawagan siya na direktang tulungan ng gobyerno ang maliliit na magsasaka para mapalakas ang kanilang produskyon.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Go na kasing-halaga rin ng seguridad sa pagkain ang accessible healthcare, partikular sa mahihirap na Pilipino.
Kaya bilang tagapangulo ng Senate committee on health, ipinaglaban niya ang mas madaling access sa mga serbisyong medikal, sa pamamagitan ng pagpapalawak ng Super Health Centers, patuloy na operasyon ng Malasakit Centers at pagtatatag ng Regional Specialty Centers.
Sa Bohol, ang Malasakit Centers ay matatagpuan sa Gov. Celestino Gallares Memorial Hospital (GCGMH) sa Tagbilaran City at Don Emilio del Valle Memorial Hospital sa Ubay. RNT