Home NATIONWIDE Mas malalim na imbestigasyon sa binazookang alkalde, panawagan ni VP Sara

Mas malalim na imbestigasyon sa binazookang alkalde, panawagan ni VP Sara

191
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Vice President Sara Duterte ng mas malalim na imbestigasyon sa pag-ambush sa convoy ni Shariff Aguak Mayor Adatu Akmad Mitra Ampatuan Sr., partikular sa paggamit ng rocket-propelled grenades (RPGs) sa pag-atake.

Sa isang panayam sa The Hague, Netherlands noong Enero 26, mariing kinondena ni Duterte ang insidente at iginiit na nagpapakita ito ng lumalalang peace and order situation sa Mindanao.

“‘Yung mga ganito na mga pangyayari, nagpapakita ng degradation ng peace and order… Napapansin ko sa mga awtoridad parang life goes on—normal lang na meron kang nakikitang RPG sa gitna ng daan in broad daylight,” aniya.

Ayon sa Bise Presidente, hindi dapat ituring na normal ang paggamit ng RPG at kailangan itong imbestigahan nang masinsinan kahit pa napatay na ang mga suspek.

“Hindi ‘yan normal at hindi ‘yan dapat pinapalampas. Dapat merong malalim na imbestigasyon… Paano nangyari ito at paano nagkakaroon ng RPG ang mga… sibilyan?” dagdag niya.

Noong Linggo ng umaga, inatake ng mga armadong lalaki ang convoy ng alkalde habang pauwi ito. Hindi nasaktan si Ampatuan ngunit sugatan ang dalawa niyang security escorts. Lahat ng apat na suspek ay napatay sa isinagawang hot pursuit operation, ayon sa pulisya.

Sinabi ng Philippine National Police na iniimbestigahan nila ang lokal na tensyon sa pulitika at posibleng paghihiganti bilang motibo sa ambush at bumuo na ng special investigation task group para sa kaso. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here