Nangako si senatorial candidate Camille Villar na patuloy niyang susuportahan ang mga inisyatibang naglalayong isulong ang pag-angat at kapangyarihan ng kababaihan sa gobyerno at pribadong sektor.
Sa kanyang kamakailang pagbisita sa Luna, Isabela, binigyang-diin ni Villar ang mahalagang papel ng kababaihan sa pamilya, lalo na ang mga ina na humaharap sa napakaraming responsibilidad sa loob ng tahanan.
“Nung nasa distrito ako, ang gustong gusto kong tulungan ay ang mga nanay. Dahil bilang nanay, intinding intindi ko po ang lahat ng roles na (ating) ginagampanan,” ani Villar, isang ina ng dalawang anak.
“Inaalagaan natin ang mga anak natin. Inaalagaan natin ang mga asawa natin. Tapos pati minsan ang ating mga magulang, ang ating mga kapatid. Ang ating mga pamilya sinisigurado natin maayos ang pagpapatakbo ng ating bahay,” dagdag niya.
Sa paggunita ng bansa sa Buwan ng Kababaihan ngayong Marso, nanawagan si Villar para sa pantay na oportunidad para sa kababaihan at nagbigay-diin sa pangangailangan ng mga benepisyo tulad ng parental leave sa trabaho.
Binanggit din niya ang kahalagahan ng mas mahusay na access sa serbisyong pangkalusugan, partikular sa reproductive at maternal health, pati na rin ang kamalayan sa mental health.
Ayon kay Villar, kinikilala niya ang hamon na kinakaharap ng kababaihan sa pag-angat sa kanilang karera sa mga organisasyong dati’y pinamamayani ng kalalakihan.
Dahil dito, malakas ang kanyang suporta sa mga programang nagsusulong ng financial literacy at pagsasanay para matulungan ang kababaihan na magkaroon ng kabuhayan para sa kanilang pamilya.
“Bilib ng bilib po ako sa kakayanan ng isang babae at naniniwala po ako at totoo po… na kailangan ng kalalakihan ang mga kababaihan. Dahil naniniwala po ako na walang hindi magagawa ang isang babae. Dahil bilib na bilib po ako na sa dami ng ating ginagawa, nagkakapanahon pa tayo mag-enjoy at magtipon-tipon. Kulang ang oras sa isang araw sa ating ginagawa,” ani Villar, na umani ng palakpak mula sa mga tagapakinig.
Sa kanyang dalawang termino bilang mambabatas, aktibong nakipag-ugnayan si Villar sa mga grupong nagsusulong ng kapakanan ng kababaihan, kabilang ang Buntis Congress na nagbibigay-edukasyon sa mga ina tungkol sa maternal health, pagpapalaki ng anak, at kahalagahan ng breastfeeding.
Bilang isang ina, asawa, mambabatas, at negosyante, tiniyak ni Villar na patuloy niyang isusulong ang mga panukalang batas para sa kababaihan kung bibigyan ng pagkakataong maglingkod sa Senado.
Sa Kongreso, inihain niya ang House Bill No. 10697 o Pregnant Women Welfare Act na naglalayong magbigay ng flexible work arrangements para sa mga buntis at bagong panganak na ina.
Isinulong din niya ang pagpasa ng Equal Maternity Protection Act na nagbibigay ng maternity benefits sa mga kababaihang nagtatrabaho sa informal sector.
Kung mahalal sa Senado, itutulak ni Villar ang pagpasa ng panukalang nagbabawal sa anumang institusyong pangkalusugan, ospital, o maternity lying-in na tumangging tumanggap o magbigay ng tulong sa mga buntis na malapit nang manganak — isang panukalang batas na naihain na rin niya sa House of Representatives.
Layunin din niyang magbigay ng maternity kits sa mga kababaihang buntis na kabilang sa low-income sector upang mapabuti ang kanilang prenatal care at mabawasan ang child mortality sa bansa.
Bukod dito, ipapanukala ni Villar ang isang batas na katulad ng kanyang House Bill No. 5243, na nagbibigay ng libreng medikal at ospital na benepisyo sa mga kababaihang mahihirap na biktima ng karahasan.
Noong 2023, naghain si Villar ng House Resolution No. 1025 para imbestigahan ang tumataas na bilang ng maternal deaths sa bansa. Layunin ng imbestigasyong ito na bumuo ng batas na magpapalakas at magpapadali ng access sa serbisyong pangkalusugan para tugunan ang mga suliraning may kaugnayan sa kalusugan ng mga ina. Cesar Morales