DAVAO DEL NORTE – Binigyang-diin ni senatorial candidate Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang matagumpay na programa ng Mandaluyong City para sa mga batang may kapansanan, kasabay ng pangakong itatayo ang mas maraming pasilidad para sa kanilang therapy, edukasyon, at integrasyon sa lipunan.
Isa sa kanyang pangunahing inisyatiba ay ang Project TEACH, isang programang inilunsad niya noong 2007 bilang alkalde ng Mandaluyong. Simula noon, nakatulong na ito sa mahigit 1,200 batang may kapansanan, kabilang ang autism at cerebral palsy.
Ayon kay Abalos, ang pagtatatag ng Project TEACH ay inspirasyon mula sa kanyang personal na karanasan—nang matagpuan niya ang isang 13-anyos na batang palaboy na may autism. Ang pangyayaring ito ang nagtulak sa kanya na bumuo ng programang nagbibigay ng pantay na oportunidad sa mga batang may kapansanan, anuman ang kanilang estado sa buhay.
“Ang hamon na kinakaharap ng batang mayaman at mahirap ay pareho—pareho silang autistic. Hindi dapat hadlang ang kahirapan sa tamang edukasyon at pangangalaga,” aniya.
Sa ilalim ng Project TEACH, nakatanggap ang mga benepisyaryo ng libreng access sa medical services, rehabilitation, at edukasyon. Dahil sa tagumpay ng programa, kinilala ito hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa ibang bansa, at ginawaran ng iba’t ibang parangal, kabilang ang United Nations Public Service Award, Galing Pook Award, at People Program of the Year Award mula sa People Management Association of the Philippines.
Bilang bahagi ng kampanya ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, nangako si Abalos na palawakin ang serbisyong ito sa buong bansa upang matiyak na walang batang may kapansanan ang mapag-iiwanan.