MANILA, Philippines – Plano ng Department of Agriculture (DA) na ilaan ang malaking bahagi ng pork imports sa ilalim ng 55,000 metriko tonelada ng minimum access volume (MAV) quota para sa mga meat processor, at “significant” portion sa attached agencies nito.
Sa pahayag nitong Linggo, Pebrero 23, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang “general direction” ay ilaan ang 30,000 MT sa meat processors, para mapahupa ang presyo sa mga merkado kasabay ng pagpalo ng presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan sa mahigit P400 kada kilo.
Sa kabila nito, sinabi ni Tiu Laurel na isasapinal pa ang alokasyon “within the next few weeks.”
Nakita sa datos mula sa DA na ang presyo ng karneng baboy sa Metro Manila ay mula P230.00 hanggang P435.07 kada kilo hanggang nitong Pebrero 20, 2025.
Ani Tiu Laurel, ititira ng DA ang nasa 15,000 MT, na ilalaan sa Food Terminal Inc. (FT) o Planters Products Inc. para magbigay ng pagkakataon sa pamahalaan na mapahupa ang presyo kung kinakailangan, gamit ang mas mababang taripa sa ilalim ng MAV, habang ang nalalabing 10,000 MT ay ipamamahagi sa mga trader.
Sa ilalim ng Executive Order 50, ang pork imports na nasa MAV quota ay binibigyan ng mas mababang taripa na 15%, kumpara sa standard 25%.
Ang susobra sa quota ay papatawan ng standard rate.
Malugod namang tinanggap ni Philippine Association of Meat Processors Inc. director Jet Ambalada ang planong alokasyon dahil ito ay magpapataas ng alokasyon sa local processors.
“This will help us maintain stable prices. As I’ve mentioned, the price of hotdogs has remained steady for over a decade, and a can of luncheon meat is now even cheaper than a can of sardines of the same size,” pahayag niya. RNT/JGC