Ito ang mariing tiniyak ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. bunsod ng sunod-sunod na anunsyo ng paglawak at paglaki ng mga benefit package ng ahensya na nagsimula pa noong nakaraang taon.
“Hindi maikakaila na nakikita at nararamdaman na ng mga miyembro ang mas pinagbuting benepisyo nila sa PhilHealth. Sinimulan natin ito sa dialysis kung saan sinagot na natin ang lahat ng sesyon sa isang taon at itinaas pa ang bayad sa bawat sesyon,” giit ni Ledesma.
Matatandaan na noong February 14, 2024 kasabay ng anibersaryo ng PHILHEALTH, naging epektibo ang pagtaas ng coverage rate ng napakaraming benefit packages kabilang ang sa Hemodialysis at breast cancer. Ikinatuwa at maraming miyembro ang nakinabang sa hakbang lalo pa’t noong 2013 pa ang huling pagtaas ng benepisyo sa pamamagitan ng case-based rate.
Matatandaang mula sa 90 ay ginawang 156 sesyon na ang sakop ng PhilHealth, at mula P2,600 ay itinaas sa P4,000 ang kada sesyon na papalo sa P624,000 kada taon mula sa dating P405,600. Idagdag pa na permanente na at ginawa pang “no balance billing” ito ng ahensya para masigurong mararamdaman ito ng mga pasyente.
“Naririnig namin ang hinaing ng mga kababayan natin na matulungan sila sa magastos na pagpapagamot. Nakikita at nararamdaman natin iyan sa ating pakikipanayam sa mga pasyente. Minamadali namin ang pagpapabuti ng mga benepisyo. Sinimulan lamang namin ito sa mga malulubhang sakit dahil talagang nakabubutas ng bulsa ang gamutan gaya ng breast cancer, pulmonya, stroke, asthma at iba pa,” paliwanag ng hepe ng PhilHealth.
“Kami po ay humihingi ng kaunting pag-unawa sa ating mga kababayan, sapagkat ang pagpapalawak ng mga serbisyo ay nagmumula sa masinsin at maigting na proseso ng pag-aaral, hindi lamang upang maisaayos ito kundi para mailunsad ito sa paraang makabubuti sa nakararami. Walang pagod ang mga kasamahan namin para itaas at palawakin ang mga benepisyong ito upang ipadama sa mga pasyente ang kalinga ng ating pambansang kaseguruhan,” aniya.
Ayon sa health insurance agency, higit-dobleng umento ang ipinatupad nito sa hemorrhagic stroke (P80,000 mula P38,000), ischemic stroke (P76,000 mula P28,000), bronchial asthma (P22,488 mula P9,000), neonatal sepsis (P25,793 mula P11,700), at iba pa.