Home OPINION PRESIDENTIAL MUSEUM BINUKSAN SA PUBLIKO

PRESIDENTIAL MUSEUM BINUKSAN SA PUBLIKO

DATI, hanggang tingin lang mula sa nakaharang na bakod  ng bantog na The Mansion, ang opisyal na palasyo ng sinomang nakaupong Pangulo ng bansa, sa Baguio City.

Ngayon, makapapasok na ang mga lokal at dayuhang turista, maging ang mga residente ng Baguio City at mga estudyante sa The Mansion dahil sa nilikhang Presidential Museum ng Malacañang Heritage Mansions Management Center na nagpapakita nang makulay na magkakaibang kasaysayan ng mga naging Pangulo ng Pilipinas.

Nitong Linggo, Setyembre 8, si First Lady Liza Araneta Marcos ang nanguna sa seremonya nang pagbubukas ng Baguio Mansion House sa publiko upang mabisita ang bagong Presidential Museum.

“This beautiful space is now open to the public and we would like to invite everyone to come and visit,” pahayag ni First Lady Liza Marcos sa opening ceremony.

Sa mga bihirang makapunta o makabisita sa summer capital ng bansa, ang Baguio Mansion House ay matatagpuan sa kahabaan ng Romulo Drive sa tapat lamang ng Wright Park.

Bilang paggunita sa kasaysayan, itinayo noong 1908 ang ipinagmamalaking Baguio Mansion House na maituturing na kabilang sa mayamang kasaysayan at engrandeng arkitektura. Sa simula ay nagsisilbing summer residence para sa mga Amerikanong gobernador-heneral ang Baguio Mansion House bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang sa ipasa na ito sa pangangalaga ng Pilipinas noong panahon ng Commonwealth at nagsilbing opisyal na tirahan sa panahon ng tag-init ng Pangulo ng bansa.

Ang Presidential Museum ay isang replica o inihalintulad sa sikat na Teus Museum sa Palasyo ng Malacañang sa Manila na naglalaman ng pitong galeriya, na nagbibigay-diin sa mga nagawa ng mga naging Pangulo mula kay Heneral Emilio Aguinaldo  hanggang sa kasalukuyang pangulo na si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

 Nakatakdang buksan ng libre simula Martes, Setyembre 10, 2024, ang Presidential Museum at bukas para sa mga tour at walk-in na mga bisita mula alas-9 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon mula Martes hanggang Linggo at sa mga nais bumisita, maaaring silipin ang mga alituntunin sa website na https://www.museums.gov.ph o i-follow sa kanilang Instagram @malacanangheritagetours.

Bigyan din natin ng pahapyaw ang pagbisita ng pamunuan ng National Press Club of the Philippines na pinangunahan nina Pres. Boying Abasola at Director Aya Yupangco sa studio ng DZRH sa programang Special on Saturday (S.O.S) ni Presidential Communications Office Sec. Cesar Chavez.