Home METRO P748-M droga nasabat sa Imus

P748-M droga nasabat sa Imus

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group (PDEG) nitong Lunes ang dalawang drug suspect at nasamsam sa kanila ang humigit-kumulang P748 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa anti-illegal drug operation sa Imus City, lalawigan ng Cavite.

Sinabi ni PDEG chief, Brig. Gen Eleazar Matta na naganap ang buy-bust operation dakong 6:26 p.m. sa Lavender St. sa Barangay Pasong Buaya II, Imus, na humantong sa pagkakaaresto sa dalawang suspek – isang 37-anyos na lalaki na naninirahan sa Pasong Buaya II at isang 26-anyos na lalaki mula sa Dasma 4, Salawag, Dasmariñas City.

Sinabi ni Matta, na nakasaksi sa operasyon, na nakumpiska ng mga operatiba ng PDEG ang kabuuang 110 kilo ng shabu na may street value na P748 milyon mula sa mga suspek.

Nasamsam din ng mga awtoridad ang 10 bundle ng boodle money na nagkakahalaga ng P1 milyon, kabilang ang isang genuine P1,000 bill, gayundin ang cellphone na ginamit ng mga suspek sa kanilang mga transaksyon.

Ang operasyon ay sinusubaybayan din ng isang konsehal ng barangay mula sa Pasong Buaya II at isang kinatawan ng media. Ginamit ang mga body-worn camera (BWC) at isang alternatibong recording device sa panahon ng operasyon upang matiyak ang transparency.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEG Special Operation Unit 4A (Calabarzon) para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon. Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT