MANILA, Philippines – Nangako nitong Martes si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na magsasagawa ang ahensya ng masinsinang pag-audit sa mga nasirang dike sa Oriental Mindoro.
”I want to know sino ba ang contracting office nito, sino nag-supervise, sino nangontrata. Titingnan namin ito, bubusisiin namin. We have to go through an intensive audit, technical and financial audit on these particular projects in Mindoro,” ani Bonoan.
Si Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor ay nagpahayag ng kanyang pagkadismaya sa mga nasirang dike sa kanyang lalawigan, na tinamaan ng baha dahil sa habagat at ang magkakasunod na bagyo noong nakaraang buwan, kahit na ang mga ito ay naitayo kamakailan lamang.
Noong weekend, nag-inspeksyon si Dolor sa ilang dike, kabilang ang isa sa Mulawin, Naujan, kung saan una nang tumanggi ang isang security guard na papasukin ang mga opisyal, dahil nakatanggap daw siya ng utos mula sa management na huwag papasukin ang sinuman nang walang nakasulat na kahilingan mula sa DPWH.
Nag-inspeksyon din ang gobernador ng isa pang flood control project sa Barangay Tagumpay sa Naujan, na aniya ay nagkakahalaga ng P1 bilyon para sa isang kilometro, at napansing isang lamang ang metal rod nito, sayang ang pondo kung ikukumpara sa P2-bilyong budget ng Kapitolyo para sa isang taon.
Kamakailan, binanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ang Oriental Mindoro ay isa sa mga lugar na madalas bahain, kaya’t ipinag-utos ng Pangulo ang pagrepaso sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha sa buong bansa.
Naglunsad si Marcos ng isang website para sa mga mamamayan na mag-ulat tungkol sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha. Aniya, 20% ng P545-billion budget para sa flood control projects ay iginawad lamang sa 15 contractor, lima sa kanila ay may mga kontrata sa buong bansa. RNT/MND