Home HOME BANNER STORY Matibag mas marami pang ibubunyag sa ‘kill’ threat ni VP Sara sa...

Matibag mas marami pang ibubunyag sa ‘kill’ threat ni VP Sara sa impeachment trial – spox

11
0

MANILA, Philippines – Inaasahang magbibigay ng kalinawan si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa imbestigasyon ng ahensya kaugnay sa umano’y death threat ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung saan siya tetestigo sa impeachment court bukas, Hulyo 21.

Sa panayam, sinabi ni Atty. Benjamin Tolosa na si Matibag ay inaasahang magbibigay ng detalye na hindi nasabi ng dalawang naunang witness dahil sa limitadong sakop ng kanilang trabaho.

“Lagi niya hong sinasabi [na] ang makakasagot diyan ay ‘yung intelligence service na, so diyan ho papasok si NBI Director Melvin Matibag,” ani Tolosa na tumutukoy sa testimonya ni NBI Cybercrime Division chief Jeremy Lotoc.

“Siya ho ang makakapagbigay-linaw tungkol sa kung ano ang masusing imbestigasyon na ginawa ng NBI patungkol dito sa mamamatay-tao na kinausap ng bise presidente,” dagdag ni Tolosa.

Iginiit niya na ang article of impeachment na nag-aakusa kay Duterte sa grave threats laban sa Pangulo, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez ay masusuportahan ng kanyang sariling statement at ang pagtangging bawiin ang umano’y pagbabanta.

“Meron ba talagang kinausap na mamamatay-tao?… Napakaliwanag na po ng sagot diyan, meron. Ano ho ang pruweba natin? ‘Yung tinatawag na admission against interest ng bise presidente, sa kanya na po nanggaling ‘yan,” sinabi ni Tolosa.

Ani Tolosa, ang pag-amin laban sa interes ang isa sa pinakamalakas na uri ng ebidensya sa ilalim ng Rules of Court dahil ito ay direktang nanggagaling sa tao kung kanino ito pinatutungkulan.

“Lalo na dito, binigyan siya ng pagkakataon, three days after, para bawiin ito… pero hindi ho niya binawi yon. In fact, lalo pa niya hong diniin na talagang meron pero tinry ho lang niyang i-justify ‘yan by saying wala namang criminal act na revenge from the grave,” aniya.

Nang tanungin naman sa posibilidad na tanungin ng ilang senator-judges ang hiwalay na imbestigasyon ng NBI sa umano’y mga anomalya sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games, kumpiyansa si Tolosa na sisiguruhin ng presiding officer na sisiguruhing ang proceedings ay mananatiling nakatutok sa impeachment case.

“At the end of the day, umaasa pa rin kami na tatalima pa rin ang mga senator-judges doon ho sa requirements under their own rules, not to unduly discriminate against anyone,” sinabi ni Tolosa.

Noong Hulyo 15 ay inanunsyo ng NBI ang plano nitong lumikha ng task force na mag-iimbestiga sa mga umano’y anomalya sa bidding at pagpopondo ng mga proyekto na may kaugnayan sa hosting ng Pilipinas sa 2019 SEA Games.

Si Senador Alan Peter Cayetano ang nagsilbing chairperson ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), na nag-organisa ng hosting ng bansa sa regional sporting event.

Agad namang kinwestyon ni Cayetano at Senador Pia Cayetano at Robin Padilla ang timing ng imbestigasyon kasabay ng nagpapatuloy na impeachment trial ni Duterte. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here