
DAPAT nang tumayo sa sariling mga paa at hindi gaanong umasa sa mga dayuhan ang mga Pilipino para mabuhay, magkaroon ng magandang kalusugan at edukasyon at iba pa.
Kaugnay ito ng biglaang paghinto ng P15 bilyong bigay ng United States International Development para sa nasabing mga programa ngayon at sa susunod na ilang taon.
Pinahinto ni President Donald Trump ang kabuuang $1 trilyong tulong sa mga dayuhan, kasama ang P15B para sa Pilipinas, para maibuhos ito sa mga Amerikano at makatipid sa gastusin na walang higit na pakinabang ang US.
Ginagamit ang P15B laban sa human-immunodeficiency virus at acquired immunodeficiency syndrome, malaria at tuberculosis (P9.77B) at 5-Point Reform Agenda sa edukasyon, kasama ang Alternative Learning System at Second-Chance Opportunities for Out-of-School Youth (P5.5B).
Sa ngayon, gaya ng ginawa ng Thailand na pinahinto na ang lahat ng nagtatrabaho para sa mga may HIV/AIDS, kailangan na ring pahintuin ang lahat ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa Department of Health at Department of Education, kasama ang suplay ng mga gamot, libro at iba pa na pinopondohan ng USAID.
Sa ngayon, nililiwanag ng ating mga opisyal sa pamahalaang Trump kung alin sa mga programa ang pupwedeng ipagpatuloy o ihinto.
Ipagpalagay nang hihinto lahat o kaya’y magiging katiting ang matitirang programang may pondo mula sa USAID, dapat nang tingnan ng sarili nating pamahalaan ang magagawa nito.
Ang totoo, napakahalaga ang mga nasabing mga programang pangkalusugan at pang-edukasyon kaya dapat nang tingnan ng pamahalaan kung saan ito kukuha ng mga pondo.
Pinaka sa lahat ng dapat gawin nito ang pagdurog sa korapsyon na lumalamon sa dambuhalang pondo ng gobyerno.
Halimbawa ang P500B pondo laban sa baha sa nakaraang dalawang taon na klarong walang kinahinatnan at pinaniniwalaang nilamon ng korapsyon.
Ngayong 2025, may P250B anti-flood project ulit.
Kung kayang labanan ang korapsyon dito, tiyak na may pondong ilalaan para sa mga programang sinibakan ng pondo ng USAID.