MANILA, Philippines- Pinawalang-sala ng Sandiganbayan si Fernando Ramirez, ang dating drayber ni Janet Lim Napoles na kinasuhan ng 15 bilang ng kasong graft sangkot si dating Senate President at Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile kaugnay ng kanyang P172.8-million pork barrel fund.
Sa resolusyon ng Sandiganbayan Special Third Division, walang sapat na basehan para isakdal si Ramirez, na inakusahn na nagsilbing taga-deliver umano ng kickbacks sa dating chief of staff ni Enrile na si Gigi Reyes.
Si Ramirez ay isinangkot sa kasong isinampa ng Ombudsman noong 2014 laban kina Enrile at Reyes dahil sa umano ay maanomalyang paggamit ng P172,834,500 Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Enrile mula 2004 hanggang 2010.
Sa pag-abswelto kay Ramirez, ikinonsidera ng Sandiganbayan ang naging separate opinion ni dating Associate Justice Maria Cristina Cornejo, isa sa limang justices na nagrebyu sa case records.
Sinabi ni Cornejo na kahit may sapat na basehan para litisin sa kaso sina Napoles at iba nitong kasabwat, hindi ito pareho sa kaso ni Ramirez.
“Ramirez appears to be simply a driver, and according to the records of these cases, had no signatures on any documents related to the operations and/or transactions of JLN Corporation,” nakasaad sa resolusyon ng anti-graft court.
Dagdag pa ng Sandiganbayan, nabigo ang Ombudsman na bigyang paliwanag ang mga ilegal o sabwatan na ginawa ng akusadong si Ramirez.
“It merely found that Ramirez, along with his other co-respondents (now accused), acted under the direction of Janet Napoles,” dagdag sa resolusyon.
Dahil dito, iniutos ng Sandiganbayan na mapawalang-bisa ang hold departure order na inilabas laban kay Ramirez. Teresa Tavares